7/24/2009

Gusto Ko Ulit Maging Bata

Gusto Ko Ulit Maging Bata

Tahimik na naglalakad sa magulong kalsada. Puno ng sasakyang nagmamadali. Nag-aantay na makatawid sa walong-linyang kalsada. Naisip ko tila napalaki, napakaingay,at napakagulo na pala ng mundo ko. Malayo sa karakter ng mundo ng aking pagkabata. Naisip ko tuloy na gusto ko pumasok sa drawer ng mesang kahoy ko. Sumakay at maglakbay gamit ang time machine. Babalik at mananatili ng matagal sa panahon ng aking pagkabata.

Gusto ko ulit maging bata. Maglaro maghapon, sumigaw, tumakbo at tumawa ng malakas. Matagal na rin na hindi ako nakapagbitiw ng malulutong na “Hahaha” dahil sa sobrang aliw. Gugulong at hihiga sa damuhan. Maliligo sa ulan. Makikipaghabulan ng mataya-taya. Maglalaro ng luksong-tinik, tumbang-preso, tanching, sipa, at payaw. Bibili at susugal sa teks. Mag-iipon ng tansan ng redhorse, colt 45, mirinda, fanta, mountain dew, coke, at 7 up at gagawing pamato ang tansan ng patis. Gusto ko ulit maging bata. Maglalaro ng ungguy-unggoyan, uno cards, at super trump. At kapag ako’y tinamaan ng kagaguhan, kukuha ako ng Bibliya, barya, at maghahanap ng mga kasama. Hawak-kamay, pipikit, at maglalaro ng Spirit of the Coin. Gusto ko ulit maging bata. Magpapalipad ako ng saranggola sa mahanging Setyembre, magpapaanod ng bangkang papel sa Oktubre, at mangangaroling sa buwan ng Disyembre.



Gusto ko ulit maging bata. Panahon ng aking buhay na kung saan Rated G ang pwedeng panoorin. Manonood ako ng Mojacko, Dragon Ball Z, Shaider, Cedie, at Doraemon. Manonood ako Kakabakaba, Nginig, at Wag Kukurap. At Kapag lumabas na ang multo, tatakpan ko ng aking dalawang kamay ang aking mga mata at sisigaw ng “Tatay!!!Mama!!!”. Gusto ko ulit maging bata. Babalik ako sa panahon na kung saan naniniwala pa ako sa fairy tales. Takot magsinungaling at magmura dahil baka lalabas ang diwata at gagawin akong palaka. Gusto ko ulit maging bata. Dahil hindi ko na kailangang magpuyat gabi-gabi para matuto ng husto. Madalas marami nang dapat matutunan sa cartoons. Gusto ko ulit maging bata na kung saan ang mga palabas ay laging may moral lesson. Di man makatotohanan ang cartoons, naaaliw na ako dahil sa makukulay at nakakatuwang hugis ng mga ito.

Gusto ko ulit maging bata. Kung saan madali ang mag-aral. Kung saan ang pinakamahirap gawin ay magbasa, sumulat ng aking pangalan, at i-memorize ang multiplication table. Kung saan ang paborito kong libro ay ang librong dilaw ng Abakada. Babalik ako sa panahon na kung saan araw-araw may drawings at nagagamit ko ang mga Crayola na bili sa akin ni Mama. Gagawa ng paulit-ulit na ‘Ang Aking Naging Bakasyon’ at ‘Ang Aming Naging Pasko’. Babalik ako sa panahon na kumakanta ako kasabay ng mga kaklase ko ng ‘Chikading’, kasama na ang ‘Bahay Kubo’, at ‘Do-Re-Mi’. Babalik ako sa panahon na kung saan ang mga guro ay may tatlong klase: Mabait, Nakakaantok, at Halimaw. Babalik din ako sa panahon na may tatlong uri din ako ng mga kaklase: Mga Bati, Kaaway, at mga Uhugin na walang pakialam.

Gusto ko ulit maging bata. Babalik ako sa panahon sa ang sinasabihan ko lamang ng “I love you” ay ang aking mga magulang. Kung saan si Mama lang ang babaeng maaring halikan. Kung saan ang pinaka-romantikong magagawa mo sa sarili ay magkaroon ng ‘Crush’. Babalik ako sa panahon na kung saan kahit anong mali ang magagawa ko, tatanggapin ako ng mundo. Paulit-ulit. Kung saan kapag nasasaktan ako nandyan agad si Mama para patahanin ako. Yayakapin ako ng mahigpit, hahaplusin ang aking noo at hahawiin ang aking mga buhok. Kakargahin ako ni Tatay sa kanyang balikat. Kikilitiin niya ako ng kanyang balbas. Sisigaw ako sa tuwa. Ngunit ipagpapasalamat ko iyon. Mga bagay na hindi ko na nakukuha sa aking pagtanda.

Gusto ko ulit maging bata. Na kung saan laging may rainbow ang buhay ng tao at kung saan masaya ang lahat tulad ng mga nakapinta sa pader ng eskwelahan. Nagtutulungan, nagbabatian, at nagbibigayan. Kung saan kapag napagod na ako sa buhay, matutulog na lamang ako at gigising ulit kinabukasan. Kung saan lahat ng bagay ay masaya. Wala mang cellphone hindi ako nababagot o naiinip dahil palaging may panahon para maglaro. Kung saan ang trabaho ay laging magaan, madali, at masaya. Babalik ako sa mundo na naroon pa si Santa. Iinom ng gatas bago matulog. Panahon na hindi aburido sa suot kong damit at kung ano ang magiging hitsura ko. Tatawid sa magulong lansangan ngunit hindi ako mangangamba dahil hawak ako sa kamay nina Mama at Tatay. Babalik sa mundo na kung saan hindi nagbabago ang mga tao at hindi umaalis ang mga kaibigan. Kung saan ang lahat ng bagay ay payak. Gusto kong bumalik sa panahon na kung saan ang bawat istorya ay natatapos ng masaya, merong ‘happy ending’ at ‘they live happily ever after’.

Ngunit lahat ng ito ay halusinasyon lamang. Mga bagay na makakamtan hanggang sa ala-ala na lamang at ngayo’y wala nang katotohanan. Mga bagay na masaya at mananatiling masaya na lamang. Mga bagay na lumipas na, na tulad ng dumaang sasakyan at hindi maaring bumalik pa. Kung magbabalik pa man o hindi na, wala ng makaaalam pa.

2 comments:

  1. caloycoy..
    “busy apple lemon juice, tell me the name of your sweetheart!” ayun kaya yon!

    anyways. tama ka. lahat ay magiging ala ala na lamang.

    ReplyDelete

Leave your mark.