BANGUNGOT
Maikling Kwento ni Carlo H Andrion
"Ang pagkakaibigan walang pinipiling kasarian, walang pinipiling dugo, walang pinipiling pagkakataon, walang pinipiling panahon, walang pinipiling dimensyon."
“Nabubuhay ang tao hindi para sa sarili niya, hindi rin para sa kapwa niya, at hindi rin para sa bayan niya. Kundi dahil may dapat siyang baguhin na siya lang ang makagagawa. Kung para sa sarili, kapwa, o sa bayan niya’y, hindi na iyon mahalaga. Basta nakatulong siya minsan sa pagdaan niya dito sa mundo.” Nawika na lamang ng paboritong propesor ni Rogelio sa Matematika sa mga kamag-aral nito matapos sila mag-alay ng maikling dasal. Tahimik si Rogelio, nasa gilid ng silid-aralan habang patuloy sa pag-iyak ang mga kaklase niya sa kursong Engineering. Dinig niya ang mga pagmamahal nila na hindi niya naramdaman bago ang kasalukuyan.
“Kung bakit ba naman kasi na hindi siya marunong magpaalam. Kung alam ko lang sana pinagbigyan ko siya na samahan pa siya para hindi na lang siya..hindi nalang siya…” hindi na natapos pa ni Liezel ang sinasabi.
“Tama na Liezel, hindi mo naman gusto ang pangyayari. Lahat tayo ayaw sa nangyari.” Nasabi na lamang ni Joyce.
Tahimik ang kababata ni Rogelio na si Reina sa mga litanya ng mga katabi niya. Tulala at gulat din sa masamang balita.
Walang kibo si Rogelio. Mukhang hindi siya apektado nito. Tila bagang walang emosyon na nagmamasid sa iniwan niyang mundo. “Saan na kaya ako pupulutin.” – natanong na lamang niya sa sarili.
“Sir, hindi pa rin po daw nahanap ang nakasagasa kay Rogelio. Kahit ang pamilya ng batang iniligtas niya’y tumutulong na rin sa paghahanap sa nakadisgrasya sa kanya.” Hirit pa ni Clinton. Ang minsa’y taong madalas niyang makatunggali at salungat sa lahat ng gusto ni Rogelio, ngunit nagbigay simpatya sa taong naging malaki ang ambag para sa kanya. Hindi niya man maamin ngunit marami siyang natutunan kay Rogelio simula ng nabuhay ito.
“Tsss!. Dapat nga masaya kayo ngayon dahil wala na ako. Haaay. Kung ganyan lang sana kayo noong buhay pa ako. Tsk tsk” pumapalatak siya sabay buntong-hininga. Bagay na nagpahiwatig na hindi siya paniwala sa emosyon ng mga dating kasama.
Nasa isang sulok si Mart. Matalik na kaibigan,kababata, at kaibigan ni Rogelio. Hindi interesado sa pinag-uusapan dahil alam niya na hindi rin naniniwala ang yumaong kaibigan sa nangyayari. Inoobserbahan niya ang yumaong kaibigan na nakabantay sa klase. Nagkatitigan sila. Doon nalaman ni Rogelio na may third eye pala ang kanyang kaibigan. Umalis siya. Hindi siya tumakbo ngunit hindi rin naman siya naglakad at lalong hindi rin naman siya gumulong. Ramdam ni Rogelio ang kakaibang liksi at bilis. Bagay na hindi niya natunghayan noong buhay pa siya.
“Bilis ko ha. Para akong si The Flash. Hanep toooh! Ooops! Nandito na pala sa bahay ang bangkay ko.” Biglang nalungkot ang tono ng kanyang boses.
Namumutawi ang pagkalungkot sa buong bahay nila. Panghihinayang sa isang pangarap na hindi na matutupad. Malungkot ang mga kaibigan nito at pamilya sa sadyang biglaang pagkawala niya. Ganoon din naman ang mga nakasama niyang Kabataan na taga-barangay nila na natulungan niya sa maliliit na mga bagay. Nandoon na rin ang mga kasama niya sa school organ nila dala ang compilation ng lahat ng artikulo at sulatin na nagawa niya na nalimbag sa papel man o sa kanyang site. Dala ang milyong pakikiramay ng mga taong pumuno sa bahay nila at umukupa ng kalahati ng kalsada, namangha ang binata.
“Cool. Daming bulaklak ha. Ito ang una at huling makakatanggap ako ng bulaklak galing sa mga taong nagmamahal sa akin.”
“Ahhhhh!” napasigaw sa lamig ang ale na nakiramay nang tumagos siya sa kaluluwa ni Rogelio.
“Tumabi ka kasi.” Wika ni Mart na nakamasid sa pangyayari.
“Nakikita mo ako?” sagot ni Rogelio
“Naman. Kaibigan kita eh. Bakit masaya ka sa pagkawala mo?”
“Para kasing panaginip lahat eh. Bangungot pala. Hirap paniwalaan.”
“Hindi ka ba natutuwa sa mga taong nagmamahal sa iyo?”
“Ewan. Kung sa pamilya ko eh medyo naniniwala na ako. Sa mga kaklase natin parang wala. Crocodile tears ang mga iyan.!
“Siguro di pa nga maliwanag sa iyo ang lahat.” Panapos ni Mart habang natigil sa pagsasalita dahil sa mga taong nakakakita sa kanya.
“Sundan mo ako.” Utos ni Mart sabay alis ngunit tangan ang tingin ng mga taong nahihiwagahan sa kanya.
“Naiintindihan na kita.” Wika ni Rogelio sabay sa pagtulo ng luha.
“Ang akin lang naman kasi bakit ba hindi nila ako pinahalagahan gaya ng pagpapahalaga ko sa kanila noong nabubuhay pa ako?! Dagdag pa nito.
“Talagang ganyan ang tao. Hindi nila naipapagpapasalamat at napahahalagahan ang kung anu-ano at sinu-sino ang mga nakapaligid sa kanila kung hindi muna ito mawawala. Ngayon wala ka na sa amin. Nalaman mo na rin na kung gaano ka kahalaga sa akin, sa kanila, sa amin. Malaya ka na sa mapait at pahirap na mundo. Kung saan ka man makakarating mag-iingat ka palagi.” Hindi na naiwasang mapahagulgol ni Mart at mapalupasak sa lupa mula sa pader na pinagsasandalan niya.
“Makakasama mo na ang ama mo, at ang Ama natin. Nawa’y maging mapayapa ang iyong pag-alis utol. Hintayin mo ako ha? Di na rin siguro matagal iyon.” Humahagulgol pa rin si Mart.
II
Bumalot na ang gabi. Nawala na si Rogelio. Ngunit naroon pa rin si Mart. Tulala at malalim ang iniisip. Tila wala sa sarili.
Dumating na rin sina Reina, Liezel at Joyce sa burol kasama ang buong klase sakay ng bus ng kanilang pamantasan. Alam nilang naroon si Mart ngunit hindi nila makita. Tumungo si Reina sa paboritong lugar ni Rogelio noong bata pa sila. Hindi siya nagkamali dahil naroon pa rin si Mart na ilang oras nang hindi tumitigil ang pagdaloy ng luha sa kanyang mga mata. Bahagyang tinitigan ni Reina ang mukha ng kababata. Namumula ang paligid na kanyang mata. Halos pumikit na sa sobrang kaiiyak. Naliligo sa luha ang mukha nito at basa na sa pinaghalong pawis at luha naman ang kwelyo. Nabalot ng awa at kalungkutan ang pagkatao ni Reina. Iyon ang unang pagkakataon na nakita nito ang kababata na umiiyak.
“Alam ko masaya na siya kung nasaan man siya ngayon. Dapat ay maluwag na nating tanggapin. May sarili tayong buhay Mart. Tapos na ang kanya. Kung titigil din tayo sa paglaban, papaano naman ang mga taong nakapaligid sa atin? Paano ang pangarap nating tatlo? Alam ko na alam mong pareho natin kailangang ipagpatuloy ang mithiin niya. Hindi dapat ito matapos sa pagkamatay niya.” Paliwanag ni Reina habang unti-unting tumatango si Mart.
Pinunasan nito ang kanyang sarili. Tumayo sa kinabagsakan. Hudyat na marahil na dapat nang simulan ang marapat. Iniabot ni Reina ang kamay upang alalayan ang kababata. Naiyak sa pangyayaring kinasangkutan niya sa binata dahil kahit mismo siya ay hindi niya pa rin lubusang maintindihan ang mga pangyayari.
Sumilip sila sa kahon ng kaibigan, maayos ang pagkakalagay sa kanya. Taglay ang magaang ngiti na pumapawipawi sa hinagpis ng kung sinuman ang makasulyap. Nasa ibabaw ng kahon niya ang mga naisulat nito, larawan kung saan nakadamit ng pormal at masayang-masaya. Usap-usapan sa labas ang paraan ng pagkamatay niya. Marami ang humanga at marami rin ang nanghinayang sa kung anong uri ng mamamayan ang ipinamalas niya noong nabubuhay pa siya. Wala ang kanyang ina. Nasa loob ng kuwarto at tuloy pa rin sa paghagulgol. Bagaman mahina, dinig ang garalgal na sagot ng kanyang nakatatandang kapatid sa pagsagot kung kailan siya ililibing.
“Sa maaakaaaalaaaaawa ho.”
Ilang oras ring naglagi ang mga ka-eskwela ni Rogelio. Alas-onse na ng umalis na sila. Naiwan pa rin si Mart at walang balak umalis.
“Hindi ka pa ba uuwi.” Mahinang tanong ni Reina
“Dito pa ako, marami pa kaming pag-uusapan.” mahinang tugon naman ni Mart
Napatango na lamang si Reina, alam na nito ang ibig sabihin.
“Tawagan mo lang ako kung may problema.” Sabay talikod kahit labag sa kalooban na iwanan ang natitirang kababata. Umiiyak ito na papunta sa bus nila at pilit pinalalakas ang sarili para magtibay.
Matagal hinintay ni Mart bago niya uli nakita ang kaluluwa ng kaibigan.
“Kamusta?” pambungad na tanong ni Mart.
“Kung maibabalik ko lang sana ang panahon…” tugon ni Rogelio.
“Nakita mo na! Marami ang nagmamahal sa iyo. Marahil nahihiya lamang sila na ipakita. Ngunit ito ang sasabihin ko sa iyo kapatid, mahal ka namin ni Reina higit pa sa pagmamahal na maaaring maibigay ng isang tunay na kapatid.” Hirit ni Mart.
“Maraming salamat at nakilala ko kayo ng maaga ni Reina. ‘Tol hindi ko alam kung makikita mo pa ulit ako ng ganito. Pero pakiramdam ko na may parang humihigop na sa akin papunta sa isang lugar na hindi ko alam. Kung makakausap ko ang Diyos para makahiling na mabuhay pa sana ako… Tatapusin ko ang dapat at mamumuhay ako na parang limang minuto na lang ang itatagal ko. Marahil sa ganoong paraan gagawin ko na lamang ang mga bagay na dapat.” Nasabi na lamang ni Rogelio sabay iyak.
“Huwag ka nang umiyak. Naging maganda naman kahit papaano ang buhay mo dito. Kung maibibigay ko lamang sa iyo ang akin para maramdaman mo ang pagmamahal nila…” malungkot at balisa na pampalakas-loob ni Mart.
“Basta tandaan mo, saksi ang langit. Hangga't maaari at may pagkakataon, ililigtas kita kahit na paulit-ulit.”Ang panapos na wika ni Mart habang tinitignan ang unti-unting pag-alis ni Rogelio. Ang paghigop sa kanya papunta sa kawalan. Tuluyan na talagang nagpaalam si Rogelio at wala nang tiyak na panahon at pagkakataon kung magkikita pa sila nito.
III
“O saan ang punta natin ngayon?” tanong ni Mart.
“Alas-diyes na. Kailangan ko nang umuwi. Ihatid niyo na lang ako.” Sagot naman ni Reina.
“Halika ihatid na natin siya.” Aya ni Mart sa isang katabi.
Naglakad ang magkakaibigan. Sampung minuto, narating nila ang sakayan. Nagpaalam si Reina sa dalawang lalaki. Hindi mapakali at binigyan ng pinakahuling ngiti at kaway bago tuluyang maghiwalay ang kani-kanilang landas.
“Bakit tulala’t balisa ka? May problema ba?” tanong ni Mart sa kasama.
“Wala naman. Parang iba lang ang pakiramdamam ko ngayon.” Sagot ng kasama nito habang pinagmamasdan ang ang anino nilang pareho na gawa ng dilaw na ilaw sa gilid ng kalsada na unti-unting pumapalayo sa kanila.
“Alam mo, malapit na ako umalis.” Panggulat ni Mart.
“Saan ka pupunta?” matumal na sagot ng kaibigan nito.
“Sa ibang bansa. Lilipat na kami doon. Sayang nga nakalimutan kong sabihin kay Reina. Wala talaga ako sa sarili ko. Ang iniisip ko kasi dapat maibuhos ko na ang lahat ng oras ko sa inyo pareho. Labing-walong taon na tayong tatlo at simula ng matuto akong magsalita pangalan niyo na ang laging bigkas ko tuwing tinatanong ako kung sino ang mga kaibigan ko. Maaring hindi na tayo magkita at magkakasama ulit, kahit kailan. Kaya palagi mong iingatan si Reina ha? Alagaan ninyo ang isa’t-isa na parang tunay na magkapatid.” Nalungkot si Mart sa binitiwang salita.
“Ah..Oo.” sagot na lamang ng lalaki sabay tulo ang luha. Nakayuko at halos mawala sa sarili sa salitang narinig.
Maya-maya’y “Teka!!!!!” Tinulak ni Mart ang lalaki. May bumundol sa kanila. Malakas na pwersa, sapat na para maghatid sa kanila sa kanlungan ng mahabang pagkaidlip.
Lumipas ang maraming araw. Lumipas na rin ang panahon para sa burol. Nailibing na si Mart. Unti-unti nang naghihilom ang sakit ng pagkawala kasabay ang paglimot ng marami sa kabayanihang naipamalas nito. Kung meron man ang hindi pa naghihilom, ito ay si Reina. Nakadukdok ito sa tabi ng isang lalaking huling nakausap ni Mart bago mawalan ng buhay dahil sa aksidente. Tatlong buwan ng comatose ang lalaki. Nagising si Reina sa init ng sinag ng araw na likha ng isang dapit-hapon mula sa bintana ng isang ospital. Kinausap niya ito tulad ng ginagawa niya sa mahabang tatlong buwan.
“Gumising ka na! Ayaw ni Mart na palagi kang natutulog diyan. Gumising ka na kaibigan ko. Gumising ka na Rogelio!” Basag ang boses ng dalaga habang sinambit ang pangalan.
Gumalaw ang lalaking nahimbing sa mahabang panahon. Gumising na si Rogelio mula sa mahabang bangungot ng nakalipas. Pawisan at hindi makapaniwalang masisilayan niya ulit ang mundo. Hindi niya naisip ni minsan na makakabalik pa siya sa panahong naiwan niya.
“Rogelio! Salamat at nagising ka na rin! Salamat po Panginoon ko!” Wika ni Reina. Napalitan na ang luha ng kalungkutan ng luha ng kaligayahan. Pinindot nito ang buzzer sa ulunan ni Rogelio para makatawag ng duktor at nars.
Nakangiti si Rogelio. Nakikilala niya pa ang kanyang pamilya. Ngunit may isang tanong ang nag-iwan ng malaking palaisipan sa ala-ala ng mahaba at malungkot niyang bangungot.
“Basta tandaan mo, saksi ang langit. Hangga't maaari at may pagkakataon, ililigtas kita kahit paulit-ulit. Ito ang pangako sa akin ng isang lalaki na nagligtas sa akin ng mamatay ako. Reina may kilala ka bang Mart?”
---
“Talagang ganyan ang tao. Hindi nila naipapagpapasalamat at napapahalagahan ang kung anu-ano at sinu-sino ang mga bagay na nakapaligid sa kanila kung hindi muna ito mawawala.” – Mart
WAKAS
All Rights Reserved:
Carlo Andrion y Hernandez
7.23.2009
Published for: http://caloycoy.blogspot.com
Pesadella is the Spanish term for "nightmare". Thanks for reading.
ReplyDeleteBut ... I will say thank you,”Carlo”, because of you I learned a lot about networking is that I do not understand, but.... people do not understand that you make me very meritorious. Because you are my teacher. therefore I choose you, the best to partner with other people can affect me. And I already feel that you are the right person for me. I knew your personality. No human is perfect, I also have a deficiency and excess, and you too. therefore let us work together with the lack of excess and we are peaceful, not competition. You are my Best Friend,Carlo~
ReplyDeletehello po. pwede po bang malaman yung talambuhay mo. dahil ginamit ko po yung story nyo sa project namin sa filipino na magsuri ng mga makabagong akda at ang talambuhay ng may akda. dahil wala na akong mahanap na ibang sources tungkol sa talambuhay mo. maraming salamat po ;)
ReplyDelete