10/05/2009

Ang Mabuting Mamamayan

Nakaramdam ang isang kaluluwa ng matinding lamig. Lamig na kung saan sapat nang panginigin ang buto’t kalamnan na nakatikas sa kanyang katawan. Ikalawa ng ikasampung buwan, siyam na taon makalipas ang dalawang-libong taon ng anno domini, ikalimang araw ayon sa kalendaryong Gregoryan, at pitong oras matapos tumapat ang araw sa kanyang kasinagan. Oktubre 2, 2009, Biyernes, ikapito ng gabi,, ayan para mas madali. Kalagitnaan ng pananalasa ng Bagyong Pepeng, (huwag po natin kalimutan ang ‘ng’ at bigkasin ng mabilis) sa Pasipiko. Di pa ramdam ang ulan bagkus hangin ang nadating sa lugar na kung saan isang sakayan ang layo mula sa Araneta. Na-trap ako mula sa pinapasukan ko. ‘Takte! Suspendido na ang klase n’on sa ganap na ikatatlo ng hapon at nagkaroon ng isang napakahabang panalangin ang aming guidance counselor, na naiyak na dahil sa banta sa kaligtasan na maaring maihatid ng bagyo. Lahat ng estudyante, propesor, at mga personel ng aming pamantasan ay lumabas sa open court upang magdasal. Lahat ay nar’on, walang relihiyon noong sandaling iyon, merong lamang isang Dios at iisang panalangin. Pero sa lahat ng drama iyon ang sineryoso ko. Tunay na buhay ang nakataya at malupit na panganib ang kaharap ng bawat tao.



Nag-uwian na ang lahat. Ako na lang ang naiwan. Lumapit si Mamang Guard, pinaalis na ako ng kampus. Alam niya na suspendido na ang klase kaya wala nang dahilan para ako’y naroon pa. Naglakad ako patungong bus stop. Tatlong kilometro yata sa palagay ko. Araw-araw. Nainis ako ng araw na iyon dahil dalawang oras na’y wala pa ang aircon bus na inaantay ko. At ewan ko ba kung bakit laging puno ng mga estudyante ang bus na gano’n. Patok talaga ang aircon bus sa Pinas.

Narating ko na ang 7-11. Bus stop yo’n ayon sa Trapik Enponser. Dahil sa pagod at namimintig na masel ng hita, pumasok ako at kumain sa loob ng tindahan na na may pintuan e 24 oras naman na bukas. Nasa labas nito ang ginagawa pa ring ‘road widening’ project ni DPWH tralala at ni Pangulong kuwan. Apat na taon na ako sa kolehiyo at hanggang ngayon ay ginagawa pa rin. (Trivia: Ginagawa na iyon bago pa ako mag-kolehiyo!) Minsan may nakikita akong nagtatrabaho, madalas nama’y wala. Ang napansin ko ay laging ‘updated’ ang tarpo ni DPWH tralala at ni Pangulong kuwan, basta may bagong pose mapapalitan ‘yon. Minsan tig-isa sila, minsan magkahiwalay. Meron din no’n nakapaling sa kanan, kaliwa, o direktang tingin. Minsan nakasuot ng fuchsia pink, dilaw, pula, at lahat ng kulay sa rainbow dahil sa tagal na ng proyekto. Ang dami kong napansin ng gabing iyon mula sa aking kinauupuan sa isang malamig na convenience store. Di ko napansin naka-dalawa na ako ng ‘big bite’ at isang umuusok na teriyaki noodles.

Lumabas na ako ng tindahan tangan ang isang pag-asa na sana ay hindi na maranasan ng susunod na henerasyon ng Pilipino ang mga pangit na bagay na gumugulo sa isipan ko. Minsan nga hinihiling ko na hindi na sana ako ipanganak na Pilipino---sa panahong ito. Masarap din mabuhay noong sinaunang panahon. Walang: hebi trapik, so meni trapik, global warming, gobyerno, kuryente, relihiyon, libro, mayayaman, mahihirap, bills, eskwelahan, scandal, at digmaan. Simple lang ang buhay. Payak ngunit masaya. Isa lang ang layunin ng bawat tao noon, maghanap ng pagkain para sa pamilya. Wala ng kaartehan dahil wala ng pesteng edukasyon na naghihiwalay sa mayaman at mahirap, at matalino at mangmang.

Waaah! Sa dami na ng nasabi ko sa iyo dumaan na ang bus na dalawa’t kalahating oras ko nang hinihintay. Pinara ko naman, nasa tamang sakayan ako at hindi naman puno! Putang-ina! May pumarang babae sa may tapat ng Jollibee na kung saan napakalaki ang sign na ‘No Loading, No Unloading Anytime’ na merong nakalagay na ‘Donated by _____ Mall’ e tinigilan at pinasakay ang tangang babae na hindi marunong sumakay sa tamang lugar. Manyakis talaga ang drayber na yo’n. Napansin ako ng mga nakaantabay na traysikol draybor, kinukulit ako na arkilahin ko na raw sila. Inuuto ako na matagal pa ang susunod na bus at nandyan na raw ang bagyo. Kahit 150 lang daw aalis na. Wan pipti? Sira ba sila? Hindi ako mayaman para magbayad ng gano’n at gusto ko pa mapunta ng langit. Sa totoo lang di ko pinangarap na maging mayaman. Tawagin mo akong sinungaling pero hindi talaga. Mahirap maging mayaman sa lagay ng mundo ngayon na kung saan marami ang namamatay sa gutom at lamig dahil wala silang makain at matirhan. Dagdag pa na nakatira ako sa isang third-world country na kung saan bumibenta ang concerts ng mga mamahaling international artists at iphone! Binuksan ko ang aking kalupi. Tanga ko talaga. Di ko napansin wala na talaga akong pera. Bente na lang ang natira, at teka may piso pa. Ayun medyo nangiti ako dahil may piso pa na panlagay sa tenga. Pero hindi kasya. Di na bale na lang. Ano kaya kung kakagat na ako sa oper ng draybor? Hinugot ko ang kard ko. Malayo na ako sa bangko na nagsasabing ‘We find ways!’ pero laging oplayn kapag kinakailangan. May malapit sa kinatatayuan kong ‘Bangkong Silangan-Kanluran’ at ‘Bangko Seguridad” pero hindi ko na binalak na bawasan ang ipon ko na hindi ko naman alam kung saan ko gagamitin. Basta nag-iimpok lang. Baka kasi tanungin ako sa langit kung magkano ang laman ng bank account ko, nakakahiyang isagot na ‘minimum lang po’. Kaya nag-antay na lamang ako. Antay, antay, antay…

May kumaway. Tatlong lalake. Kasabayan ko rin pala sila. Dumating na ang bus. Pero gaya ng nangyari sa una , di rin tumigil sa bus stop. No para enimor. Hindi rin naman puno. Ako lang ang napupuno. Dahil ba hindi kami babae kaya hindi kami sinasakay? Lagot ang dalawang draybor na iyon sa kanilang inspektor! Akala ko babae lang ang biktima ng seksisim. Lalake din pala. Lumalalim na ang gabi, lumalakas ang hangin, at tumitindi ang gutom ko. Nakakagutom palang mag-isip. Pakiramdam ko ng oras na iyon ako ay nawawala. Kung alam mo ang kantang ‘You Found Me’ akong-ako iyon ng sandaling iyon. Tatlong oras ka nag-aantay sa gitna ng umiiyak na kalawakan at napaliligiran ng mga mukhang ni minsan ay di mo nakilala. Mas tumindi ang pangungulit ng mga traysikol draybor. Tinanong ako ng una sa pila, “Hatid na kita. Wan pipti lang. Murang-mura na bagsak presyo pa!”. Tawanan sila. “Hindi po.”, ang magalang kong sagot. Sumunod naman yung ikalawa, ikatlo, ikaapat hanggang sa umalis na ako sa pagmumukha nila. Iniisip siguro nila na sasakyan ko sila dahil sa itsura nila. Pasensyahan pero hindi ako mababaw.

Mag-isa ko na lang. Umalis ako. Sinundan ako ng isang lalake na pareho sa pupuntahan ko. Naghahanap siya ng makakahati sa bayad sa traysikol. Kasama niya ang isang interesadong drayber.

Draybor: “ Halika na. Hati na kayo sa wan pipti.”
Ako: “Hindi po aantayin ko na lang po ang susunod.”
Lalake: “Tagal pa yun. Saan ka ba?”
Ako: “Sa _____ po.”
Lalake: “Sabay ka na.”
Ako: “Aantayin ko na lang po talaga ang susunod.”
*Umalis na ang draybor. Kinuha ang traysikol.
Lalake: “ Halika na sabay ka na. Kahti bente na lang ang sa iyo.”
Ako: “Ha???”
Lalake: “Halika na. Sabay ka na baka maabutan ka ng bagyo dito. Kawawa ka lang. Ako nang bahala.”
Ako: “Ahh sige po. Salamat.” *Sabay ngiti.
*Dumating na ang traysikol. Sumakay siya sa loob at sumakay ako sa likod.
Lalake: “ O boy dito ka na lang, malamig diyan.”
Ako:” Ayos lang po.” *Nahihiya ako dahil siya naman ang nagbayad.
Lalake:” Halika na rito.”
*Pumasok na rin ako dahil nanlalamig na talaga ako noon.

Tumagal ng 45 minuto ang biyahe. Hindi kami nag-uusap. Nahihiya ako dahil sa kabaitan niya. Nang nagkataon na bababa na siya, humugot siya ng wan pipti sa kalupi niya. Nagulat ako dahil ang usapan ay ako sa bente. Iniabot niya sa draybor, umalis, tinapik ako sa likod at sinabing “Kung sasabihin kong ililibre kita hindi ka sasama, iyan ang sakit ng tao. Takot magtiwala.” “Babawi po ako sa inyo sa susunod.” Napatawa siya dahil sa sinabi ko. “Sige po salamat uli.” Dagdag ko. Umalis na ang traysikol at sinundan ko siya ng tingin papasok sa isang looban. Malayo na ang lalake at nagulat ako ng bigla siyang lumingon, naghatid ng ngiti at kumaway, na sinuklian ko naman ng ngiti’t tango. Nang makababa ako iniabot ko ang bente sa draybor. Nagpasalamat dahil sa bagay na hindi niya hiningi at inasahan. Ngumiti si manong drayber at nagpasalamat ulit. Umalis ako tangan ang isang bagong pag-asa na hindi ko sinasadyang makilala at hindi naituro ng edukasyon. Nalaman ko na hindi mo pala kinakailangan na nagsisimba ka para gumawa ng mabuti. Hindi rin kinakailangang pumasok ka sa isang relihiyosong pamanatasan. Kailangan lamang maging iba at gumawa ng iba para sa kabutihan ng iba. At alam ko hindi matatapos ang kabaitang likha ng lalakeng hindi ko kilala. Iikot iyon at patuloy na magpapasaya sa bawat tao at magpapa-alala na merong kabutihang taglay ang bawat isa. Sana nga.

Intellectual Property Rights Reserved
Carlo H Andrion
http://caloycoy.blogspot.com

1 comment:

  1. @Vinmark: Bakit nga ba gabi ka OL? Haha. Lalaking-lalaki e. At mabait talaga. Haha. Iyon nga ang pangit na ugali natin. May patakaran pero ayaw sundin. Hehe. Salamat sa komento.:)

    ReplyDelete

Leave your mark.