
Sabi ni Tatay Ipagpatuloy ang Pagsusulat, Pero Nasaan si Tatay?
Ika-tatlo na ng umaga. Kalagitnaan ng kahimbingan ng mga kasambahay ko sa pagtulog. Humihilik si Kuya, nagsasalita habang tulog si ikalawang Kuya. Nakahiga na sa paanan ng kama si Bunso. Kina unica hija at Mama, tahimik ang kwarto nila. Mahimbing silang nagpapahinga. Tahimik ang gabi. Napakalamig, ngunit nakasindi ang bentilador. Malamok kasi. Baka daw magka-leptospirosis ako sabi ni Insan. Di na ako umangal n’on, ang mahalaga’y nag-alala siya sa akin. Oktubre na, at animnapu’t walong araw na lamang ay ang kapanganakan ni Hesus, petsa na itinakda ng tao. Kung ano ang batayan, Malay ko ba? Di pa naman ako buhay noong panahon na iyon.
Pero kung babalik tayo sa intro ko: Ano ang naiisip mo kapag ang isang lalake e gising pa sa kalagitnaan ng wee hours? Walang bastusan dahil matino ako. Hindi ako nagpupuyat para lang maglaro sa facebook (barn buddy, ffs, rc, o fv). Kung di mo alam yung nasa parenthesis hindi talaga tayo naglalaro n’on. Isa pa, masyadong maiksi ang buhay para lang magsayang ng enerhiya’t panahon sa di kapakipakinabang na bagay. Kung naglalaro ka ng mga iyan, huwag mong iisipin na galit na ako sa inyo (dahil marami kayo). Isipin mo na lang wala kang nabasa tungkol dun. Hindi ba? So, okay na tayo ulit? Ok, prosid!
Hindi ako nagpuyat ng gabing iyon. In pakt, natulog ako ng maaga. Nagising ako ng dahil sa nangingilid na luha at basang unan. Nagkaulirat at pilit inaalala ang nagyari sa aking pagtulog. Hindi ko maaninag. Malabo ang panaginip. Bakit nga ba ako umiiyak ng magising sa oras na tulog ang tao? (except call-center agents, pokpok, at bugaw). Di ko talaga maalala. Ipinaling ko ang ulo ko sa pader. Ayun, may signal na ng kaunti. Nakita ko ang selpon ko, naalala ko na ng makita ko ang wallpaper nito na larawan ni Mama at Tatay gamit ang una kong kamera pon. Ng magkaroon ako, sila ang una kong kinuhanan ng litrato. Masakit! Emosyong bumalot sa puso ko ng maalala ko na ang panaginip. Bago noon, ilang araw na rin ako nangungulila ng makakausap ukol sa mga bagay na hindi nakikita ng iba ngunit nakakaapekto ng higit sa akin. Humihingi raw ako ng payo sa aking tatay, wala ng eksaktong detalye ang pangyayari. Sinabi niya na kung ano ang gusto ko ay ang aking sundin. Kung gusto ko sa kaliwa, pwede daw ako kumanan, pero habang di pa nakakalayo kumaliwa na daw ako kapag gusto ko at habang may panahon pa. Si Tatay talaga, hindi naman siya ganoon sa tunay na buhay. Seryoso siya kapag tungkol na sa kapakanan namin. Di nga lamang ako nakapagpasalamat sa kanya.
Nako, tatlong talata na wala pa tayo sa climax. Mahirap talaga gumawa ng maiksing blogpost. Sa panahon ngayon kasi ang gusto ng Kabataan (karamihan) ay ang mga maiiksi lamang. Maliit na ang attention span nila – sa pagsusulat. Pustahan tayo kung Farmville iyan pagpupuyatan pa! Gusto na ng karamihan yung spoon-feeding. Mga mahilig na sa kowts pero takot sa paliwanag ng teorya. Nakakaasar dahil ang mundo ngayon, ginagawa ng bano ang mga tao sa mga bagay na dapat ay pinag-iisipan ng husto. Sabi nga ni Pareng Bob, dumarami na ang mga walang ginagawa kesa sa mga gumagawa ng wala. Ang tao ngayon ay bulag na, sarado ang isip, at bingi. Ngunit ingat ka dahil kung ano ang kakulangan nila sa tatlong naunang sensorya e siya namang bawi nila sa bibig. Tama! Puro salita na lamang tayo. Kaya naman (insert expletive word) na ng tao ngayon. Napansin mo bang di magkakaugnay ang mga tinutukoy ng talata? Ayos lang iyan. Huwag kang mag-alala dahil normal ka pa. Isipin mo na lang di mo nabasa ulit ang ika-apat talata.
Bago ang panaginip na iyon, ilang gabi na ako nagkakaroon ng pangamba sa mga pangarap ko. Alam mo maimpluwensya ang pagkakaroon ng pangarap. Ito ang nagbibigay halaga sa buhay mo. Alam mo ba na ang tao lang ang ginawa ng Dios na may kakayahang mangarap? Kaya kung wala kang konkretong pangarap aba e pag-isipan mo kung ano ka ba talaga. Mahirap ang magin lagalag na walang patutunguhan. Marami akong pangarap, pero ewan ko ba at di ko pinangarap ang affluent living na ikinamamatay pa ng maraming tao! Di ko alam kasi kung saan ako tutungo. Kaliwa ba o kanan?