6/13/2009

Walang Titulo

Apat na araw na ang lumipas, parang wala akong matinong pabor na nagagawa sa sarili ko. Nagpapasalamat na lang ako dahil sa kahit na nakakapagod na paraan ay naiwawaglit ko sa aking isipan ang isang pangyayaring tumunaw sa wagas kong pagmamahal. Isinulat ko ito hindi para humingi ng awa ninuman dahil alam kong walang makakatulong sa aking sarili kung hindi ako lamang. Pero sa panahong ito na kahit ang sarili ko ay di ako magawang tulungan, daramdamin ko muna ang lungkot na lubos na sumisira sa buo kong pagkatao. Daramdamin ko muna hanggang narito pa at nang maubos na.

Alam kong wala ako sa sarili ngayon. Wala na ako sa aking kababawan na kung saan na kahit ang ordinaryong sikat ng araw ay napapangiti ako, sa simpleng ihip ng hangin ay nakukuha ko pang nagpapasalamat sa Kanya. Tama. Nasa State of Extreme Confusion ako. Sa lahat ng aspeto ng buhay. Siguro nga. Ngayon ko napatunayan na di pala ako simpleng tao base sa aking pagkakakilala. May malalalim din pala akong emosyon at matatayog na makasariling pangarap. Sabi sa akin ng isang matandang lalake na
nakasalubong ko, “Mas malungkot ka pa sa kulay na taglay ng Guernica ni Picasso.” Napangiti ako, alam ko dahil iyon ang huling ngiti ko bago ko isulat ito. Alam ko nahihiwagahan ka sa dinasabi pero hindi ito “Suicide Note” kaya magtigil ka. Ayaw kong magkasala pa baka hindi na ako patawarin.

Umuwi ng bahay, pero wala pa rin ako sa dating ako. Nasasabik na nga ako sa dati kong sarili. Lumayas siya noong Linggo ng hatinggabi at di ko alam kong babalik pa. Pero ayos na rin siguro na umalis siya, mas nakikita ko ang mundo ngayon bilang gubat kesa noon na ang aking mundo ay tila mundo ng isang kindergarten pupil. Merong guro, kaklase, may nanonood sayo habang natututo ka, kumakanta, sumasayaw, naghahabulan, kumakain, makulay ang silid-aralan, makukulay ang mga tisa [chalk], nariyan ang magulang, magalang, masaya, walang kapaguran, at ang pinakasasabikan ko sa lahat sa dati kong buhay eh na bago pumasok at tuwing uuwi galing paaralan ay may nakahawak ng mahigpit sa munti kong kamay at hindi binibitawan hanggang wala pa ako sa aking bahay. Nakaka-miss, pero ito lamang ang magagawa ko.Alalahanin ang matamis na kahapon.Isang hiwaga pa rin para sa akin ang salitang pag-ibig simula ng ipinanganak ako hanggang sa tuluyang naglayas ang dating ako. Mas lumalim pa ang pagkakakilanlan ko rito ng marating ko ang State of Extreme Confusion.



Lagi kong tinatanong kung ano ang pag-ibig. Pero kahit si Webster ay tipid sa pagtukoy sa maikling salitang ito. Pag-ibig ang bumubuhay sa mundo pero pag-ibig din ang sumisira rito. Pag-ibig ang nagpapasaya sa tao pero marami ang nagpapakamatay dahil dito. Pag-ibig ang
dahilan kung bakit dumarami ang tao pero pag-ibig rin ang nagiging dahilan para mabawasan ito. Pag-ibig marahil ang nagpapagaling sa may-sakit pero ito rin ang nagpapalala rito.

Sa mga kahulugang ito maari kong maiuri ang pag-ibig sa maraming pagkakataon at salita. Ang pag-ibig ay: Masaya ngunit masakit, masarap ngunit mapait, wagas ngunit maari ring mapag-kunwari, nakakatawa ngunit madalas ay nakakapagpa-iyak. Pag-ibig ang dahilan kung bakit may: reunion, Independence Day, Valentine’s Day, Birthday, Golden Anniversary, bayani, nagsasakripisyo, naaagrabyado, at nagiging TAKEN…for granted. Ganyan kalawak ang “pag-ibig” na kung ikukumpara sa salitang “set” na may pinakamaraming gamit eh “pag-ibig” naman ang may pinakamaraming kahulugan, synonyms, at antonyms.

Akala ko noon ay tulad kong lalaki ang makakapatay sa akin, mali pala ako. Kung kaya ko lang hulaan ang patutunguhan ko eh matagal ko na sanang iniwasan ang taong pinalambot ang puso ko pero unti-unti naming pinunit ito. Marahil nanakaw niya ang puso ko ngunit hinding-hindi ko isusuko ang isip ko. Nag-iisa lang ako sa mundo. Mag-isa ko itong lalakbayin dahil kahit na ang pamilya o kaibigan ko mismo ay hindi ako palaging matutulungan. Obligasyon ko na ang buhay ko. Narating ko ang edad na kung saan maaari na akong makulong, mabitay, at maparusahan. Malayo na ang naging paglalakbay ko at hindi ko alam kong hanggang saan o saan ang aking patutunguhan. Kinakailangan ng tao ang pag-ibig kaya lubos ko itong ibinibigay kahit kanino, personal ko mang kilala o hindi, pamilya man o kaibigan, kilala o nag-papakilala pa lamang. Pero sabi nga ng pumanaw kong katauhan, “Ang buhay ay parang siso. Para maiangat mo ang iba, ibaba mo dapat ang sarili mo, at kung gusto mo namang umangat, humanap ka ng taong uupo sa kabilang dulo na handang ibaba ang sarili para maiangat ka naman.”

Sa aking sitwasyon ngayon, sawa na ako na palaging nagbibigay, nagpapasensya, nagpaparaya, naisasantabi, at nakakaligtaan. Lubos kong hinahangad ang kabaligtaran para sa aking sarili. Tanging lubos lamang. Pero hangga’t hindi ko pa nakukuha ang dapat na may sa aki’y, lalakbayin ko muna ang masukal na daan ng gubat ng aking buhay. Hindi ko alam kung saan ako pupunta kaya walang nararapat na titulo ang angkop para sa sulating ito. Hindi ko alam. Walang ideya kung ano, alin, at papaano.

Sa ngayon ang buhay ko ay walang titulo.

Copyright: Carlo Hernandez Andrion
http://carloandrion.multiply.com

No comments:

Post a Comment

Leave your mark.