
Biyernes, ala-syete ng umaga, nagising ako sa dahil sa alarm at sa mga huni ng maya na kumakatok sa bintanang salamin ng aking kwarto. Masakit ang buong katawan, ikaw ba naman ang matulog ng alas-kwatro ng umaga dahil lamang sa pesteng plano ng bahay na yan. Agad akong bumangon. Noon ko na naman naisip na kahit patay katawan ka, kaya mong bumangon basta bukas ang isip mo sa responsibilidad na haharapin mo. Lumabas ako sa asotea, (terrace). Dinama ang sinag ng makulimlim na umaga. Tumingala, iniunat ang braso at binuksan ang mga palad. Iniisip kong yakap ko ang Diyos at sabay nagpasalamat dahil sa panibagong simula sa piling ng mahal kong pamilya.
Ayos! Nakuha ko na ang momentum para simulan ang bagong pahina ng buhay. Naligo, kumain, dumating sa pamantasan bago mag-ikawalo. “Ayos! Maipapasa ko na rin.” Iyan ang naisambit ko dahil umabot sa due date ang bunga ng sakripisyo. Bonus na kapag pinuri pa ito.
Natapos ang kalahati ng araw. Nagpunta sa cafeteria. “Kakain na!” sabi ni Harllie na isa kong kamag-aral. Ako nama’y sabik na rin dahil kailangan magkalaman tiyan para bunuin ang magulong mundo ng matematika kinahapunan. Pribelehiyo kasi ng iilan ang makapili ng gustong pagkain sa oras ng kainan. Kaya nagpasalamat ako sa Kanya bago ako lumamon. “Ayos ka din ‘tol ah. Tatlong kanin, pagkain pa ba yan? Lamon na yan eh!” Sinuklian ko na lang ng ngiti. Hudyat ko na dapat na naming simulan.
Natapos kami at ang isang klase pa. Last minute review ang ginawa namin bago mag-ikatatlo ng hapon. Siguradong magiging madugo na naman ang quiz namin sa Engineering Mechanics. Dahil wala nang pumapasok sa utak ko, itinigil ko na. Hirap talaga pag night shift ka kung gumawa ng drawing. Doon ko naintindihan kung bakit kailangang maging overtime pay ang mga call center agents. Kape, kendi, at gardenia at dairy cream ang karamay mo bago mag-umaga.
May pumapasok sa pinto. Tentenenen! Si Engr. Servito! Anak ng bakang baog! Wala na talagang atrasan ito. Kung bakit ko nasabi iyon ito ang kwento. Dapat kasi Faculty Meeting ng Civil Engineering Department. Kaso mahal na mahal ata kami at nagpasya na lamang na ituloy ang bagay na hindi ko naiplano sa binubuo kong buhay kinagabihan. Hayuuun! No choice. Helpless na ako kaya last hope! Binuksan ko ang puso ko at nanalangin. Nagkumpisal na rin tuloy ako ng di oras. Ayon kasi sa pari na nagmisa noon, malakas daw ang prayer ng taong humihingi ng tawad.
Natapos ang quiz. Nasagutan ko lahat pwera lamang ang tanong ni Harllie, “ Sigurado ka ba dyan sa mga sagot mo?” Ngumiti na lamang ulit ako. Pahiwatig na hindi ako sigurado.
“Uwi na tayo! Bad shot!”
“Kaya nga eh, nakakasawa na ang pang-ugat (radical sign) at pauliting kabisa (exponential function) na ‘yan.” ani ko.
“Ayaw ko na maging maninipnay (math worker) ng guning bilang (imaginary number). Buti pa si Sir sipnayanon (mathematician) ng awanggan (infinity).” Dagdag ko pa.
Bukod roon sa mga nabasa mo eto pa ang ibang math translation: square root – pariugat, cube root – taluugat, square – parirami, cube – talurami, differential – tingirin, involution – balisultag, tangent – dikit, plane figure – lapyang laraw, probability – kalagmitan, factorial – bunin, at infinity – awanggan. Ngayon hindi lamang conyos at English ang nakakapagpadugo ng ilong.
Tumawid kami ng kalsada. Highway rather. More accurately killer highway, pero asa ka, di iyon Commonwealth. Nagulat siya ng makita niyang sumabay ako tumawid.
“O diba northbound ka? Dun ka sa kabila. Shoo! Shoo!”
“Mokong! May pupuntahan pa ako southbound.” Depensa ko.
“Aha! May kadate ka pala. Ako nama’y uuwi na.”
“Hindi no. Malaya na ako ngayon. Single and available kumbaga.” Sagot ko at sumunod ang malutong na tawanan.
“ Hindi naman kailangan magkaroon ng relasyon para masabing nagmamahal ka eh. Alam ko ang responsibilidad nun. Mag-aral muna tayo ‘bro at nang mapalinya naman din tayo sa mga future Engineers.” Dagdag ko pa.
“ O sha, ikaw muna ang mag-aral at ako nama’y sasakay na. Aradta adyay bus en ne! (Ilokano ng Andyan na yung bus eh)” yun na lang ang nasabi niya hanggang maghiwalay na kami ng mga landas ng araw na iyon.

Sumakay ako ng dyip at tumungo sa lugar na mapapalitan ng saya ang pagod at inis ko.
“Good afternoon Sir! Welcome to McDonalds! May I have your order please!” sabad ng isang cashier.
“ Good afternoon too! 1 large coke float at 3 large fries. Thank you!”
“Ok sir 1 large coke float and 3 large fries sir! Anymore po?”
“Except with 9 sachets of catsup and a sandobag for takeout.- No more.” (sabay kindat)
Naibigay niya lahat ng kailangan ko habang nakangiti siya. Syempre kontento din ako. Kung naranasan mo nang magtrabaho tulad niya, maa-apreciate mo ng husto ang mga accommodating at pasensosyong customers. Mga nakangiti at maintidihin. Ngiti mo pa lang madadaig mo na ang sweldo nila.
Nakuha ko ang gusto ko. Masaya ako sa pagkain. Reward para sa bad math exam at grueling drawing plan. Rewarding talaga. Yun ang akala ko. Pero nang may marinig sa kabilang mesa…
Grupo ng tatlong kababaihan kasama ang dalawang lalakwe na nag-uusap sa Ingles.
G1: “You know he was funny last night when we had our sleepover in our house.”
G2: ” Why?”
G1: “ I was famished that time so I ask him (L1) to call for a pizza delivery as I handed my phone”
G2: “Then…”
Sumingit ang may-sala…
L1: “ then I resisted and said You mean you are pushing me to talk to a minimum wage earner?”
G3: “Oh! You’re ruthless.”
L1: “ NO!!! It’s not that. What’s wrong if I just keep on telling the truth.”
L2: “Yah, you’re right!”
Nainis na naman ako. Dismayado sa kapwa ko estudyante sa pagiging marahas. Mahirap talaga kapag nabulag ka na ng edukasyon at kayamanan mo. Kung ganoon ang magiging kapalit ng edukasyon, sa tingin ko ay di ko na nanaisin na mag-aral pa. Iyan ang tanging naisip ko na lamang ng oras na iyon. Buti nga yung tao eh independent na samantalang ako palamunin pa rin! Sana alam nila ang mga sinasabi nila.
Lumabas na ako ng McDonals, malakas ang ulan. Mahangin. Nag-antay ako ng masasakyan na bus habang may lumapit sa akin sa bata. Isang bata na namumulot na mga basurang plastics. Ituturo ko sana yung mga grupo ng Kabataang tulad ko na nasa McDonalds pero huwag na lang. Iniabot ko na lang ang mainit na fires at ang natitirang coke float ko sa kaniya. Syempre, tulad ng ginagawa ko nakipagkwentuhan ako sa kanya.

Ako: “Malamig ha, Ok ka lang?” basa kasi siya noon at halkatang nanginginig.
Siya: “ Sanay na po ako.”
Ako: “Bakit mo ginagawa yan? Asan ang mga magulang mo?”
Siya: “Pangbaon po para sa Lunes at pangkain po namin mamaya. Pinatay po ang tatay ko. Labandera ang nanay ko. Gusto ko po kasi i-respeto ako kaya ako nag-aaral kahit sabi ni mama huwag na lang.”
Ako: “ Ah o sige pagbutihan mo ha. Basta maging mabait ka kahit ano mangyari. Kung may kailangan ka andun lamang ako sa kabilang antayan ng bus tuwing hapon bago umuwi.”
Siya: “Ang sarap pala ng Mcdo. Salamat po!” (Ngumiti lamang siya at tumatakbo habang iwinawagayway ang dalang sako sa himpapawid na tila bagang isang maya na papalipad na.)
Umalis siya ng may iwang pag-asa sa para sa ikabubuti ng buhay niya. At aaminin ko, mas naliwanagan ako at natutong iwasan ang mga reklamo sa kung anong meron ako gayong marami pala ang mga taong walang mga bagay na meron ako na binabalewala ko ng madalas. Tulad ng prinsipyo ng matematika, Lahat ng problema ay may tamang solusyon. Maski ang millennium problems (math problems na walang sagot) ay nasasagot din sa tamang panahon. Tulad ng maliliit na maya na nagdala ng pag-asa sa paggising ko kaninang umaga, tangay ng munting bata ang pag-asang nasa hangin lamang at nag-aantay sa akin para abutin at yakapin.
Carlo H Andrion
6. 25. 09