Matuwid na Daan Patungong Luisita?
Gunita ng isang masalimuot na tunggalian
“Ang paghuhugas-kamay sa nagaganap na tunggalian sa pagitan ng mga makapangyarihan at maliliit ay nangangahulugan ng pagkampi sa panig ng mga makapangyarihan, at hindi ng pagiging neutral.” (Freire,1967)
Hacienda Luisita, sa lawak na higit 6,435 na ektarya o pinagsamang kabuuang sukat ng mga Lungsod ng Makati at Pasig ay ang ikalawa sa pinakamalawak na contiguous na asyenda sa bansa. Matatagpuan sa lalawigan ng Tarlak, sakop nito ang labing-isang barangay sa maraming munisipyo sa dalawang distrito ng lalawigan. Unang itinatag noong 1881 bilang Tabacalera, isang monopolyo ng tabako noong panahon ng Kastila. Ngunit dahil sa pagaay ng rebolusyong HUKBALAHAP noong 1950’s, naibenta ito kasama ang Central Azucarera de Tarlac.
Simula ng Matuwid na Daan
Nabili ni Jose ‘Pepe’ Cojuangco, (ama ni Cory Aquino) ang asyenda sa pamamagitan ng isang loan mula sa GSIS noong 1958. Bunsod ito ng pagkiling sa kanya ni dating pangulong Ramon Magsaysay upang hindi na ito mabili ng pamilya Lopez na noo’y nagmamay-ari na ng MERALCO, Negros Navigation, Manila Chronicle, ABS-CBN, at iba pang malalawak na lupain sa Kanlurang Bisaya. Sa naganap na bilihan, nakasaad na pagkatapos ng sampung taon ay marapat lamang na ibahagi ito sa mga arendador: ang mga magsasaka.
Iniwan ni Pepe Cojuangco ang pamamahala kay Ninoy Aquino na nagpasimula ng isang maka-masang pagtrato sa loob at labas ng asyenda: libreng gamot at check up, libreng edukasyon at scholarship sa kolehiyo, libreng pagkain, pantay na pamamahagi sa mga ani, libreng pangangalaga sa mga bata, libreng pagpapalibing, pabahay para sa magsasaka, at libreng gasolina sa traktora. Hindi naging negosyo ang Hacienda Luisita noon dahil na rin sa pag-unawa na ang halaga ng Luisita ay sa mga magsasaka na nagbubungkal nito. Ito rin ay nagsilbing rehabilitasyon ng mga manggagawang-bukid na naging alipin sa ilalim ng dating Tabacalera.
Dahil sa makataong pagtrato, ni minsan walang nangyaring sigalot sa loob ng asyenda. Nagwakas ang makatarungang pagtrato sa magsasaka nang unti-unting mawalan ng kontrol si Pepe Cojuangco at Ninoy Aquino pagsapit ng rehimeng Marcos.
Paglihis sa Matuwid na Daan
Noong Disyembre 2, 1985 sa ilalim ng rehimeng Marcos, napagdesisyunan na marapat na lamang itong ipamahagi sa magsasaka. Simula noon, mas iginiit ng pamilya Cojuangco ang kanilang karapatan sa lupain. Mas umigting ang tunggalian. Apat na lider ng mga unyon ng mga manggagawa sa Asyenda ang pinaslang hanggang noong Pebrero 26, 1986 nang tuluyang maluklok si dating pangulong Cory Aquino matapos mapatalsik si dating pangulong Marcos.
Nangako naman ito ng malinaw na hakbang sa pagpapatupad ng maayos na pamamahagi ng mga lupaing agraryo sa mga magsasaka: partikular na ang Hacienda Luisita. Sa pangakong tunay na reporma, naipasa ang Comprehensive Agrarian Reform Act noong 1988. Nang sumunod na taon, sa bisa ng CARP at pamamagitan ng MOA (Memorandum of Agreement) ipinatupad ang Stock Distribution Option (SDO) sa halip na ang Land Distribution.
“Dahil sa SDO mas naging miserable ang buhay ng magbubukid.” pahayag ni Lito Bais, ang kumakatawang Pangulo ng United Luisita Workers Union (ULWU). Naging layunin umano ng SDO na linlangin ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpipiliang ‘YES TO SDO’ o ‘NO TO LAND’ nito. Ang SDO ay bahagi ng Stock Distribution Plan ng CARL 1998 (Comprehensive Agrarian Reform Law).
Layunin ng batas na ipamahagi sa mga magbubukid na walang lupa ang mga pampublikong lupang sakahan at mga pribadong lupaing lalagpas sa limang ektarya ang laki. Sa ilalim nito maaring mabawi ang lupain sa pamamagitan ng SDO. Sa SDO, ang mga magsasakang piniling magkaroon ng shares ay tatanggap ng pera buwan-buwan batay sa stocks. Papasanin rin ng mga stockholders o ng mga magsasaka ang utang ng kumpanya dahil rin sa unti-unting pagkalugi nito.
U-turn ng DOLE at DAR
Upang tuloy na makapanggipit, ipinatupad ang mechanized farming sa Asyenda noong 2001. Ayon kay Lito Bais, halos 300 ang tinanggal at karamihan naman ng mga natira’y seasonal o halos isang araw na lamang sa isang lingo kung makapagtrabaho sa arawang-sahod na 9.50 piso. Kaya bilang aksyon, dumulog ang ULWU sa DOLE dahil sa nangyayaring tanggalan at pagka-tengga ng mga manggagawang-bukid. Naglabas umano ng desisyon na makatwiran ang nangyaring pagbabawas dahil sa pagkalugi ng kumpanya.
Sa kondisyon na malugi ang kumpanya, maaring makuha ng mga magsasaka ang parte nilang lupain. Ngunit kabalintunaan ang kinalabasan. Ayon sa DAR, kumikita umano ang mga beneficiary nito kaya hindi pa maaring ipamahagi. Ang tinutukoy na kita kada buwan ay nagkakahalaga ng 17 sentimo, ang pinakamababa.
“Ang nangyayari, kahit saan kami pumunta, talo talaga kami.” dagdag pa ni Bais.
Ang SDO at iba pang katulad na mga pakana ay malinaw na isang pandaraya ng reporma sa batas agraryo. Ang SDO, bilang isang patakaran, ay dapat matagal nang inabanduna. Ang SDO ay malinaw na hindi reporma.
Masaker ng Karapatan
Dahil sa di makatarungang pagtrato, ikinasa ang strike noong Nobyembre 6, 2004. Kasama ang marami pang progresibong grupo, pinangunahan ito ng ULWU at CATLU (Central Azucarera de Tarlac Labor Union), Umani sila ng suporta kahit sa mga relihiyosong grupo tulad ng Iglesia Filipina Indipendente (IFI) at United Church of Christ in the Philippines (UCCP). Nahamig pa ng strike pati ang mga residente ng Luisita hanggang sa umabot sa tinatayang 14,000 ang bumuo sa piketlayn. Matapos ang limang araw, hindi pa rin natinag ang linya. Binarikadahan ng ULWU ang Gate 1 ng Asyenda na siyang pasukan at labasan ng mga produktong tubo samantalang sa Gate 2 naman ang CATLU, upang mapigilan ang paglabas-masok ng mga manggagawa ng asyenda.
“Ang dami naming demands para makipag-usap ngunit ang laging tugon sa amin ay dispersal.” pahayag ni Bais.
Nobyembre 10, 2006 naglabas ng Assumption of Jurisdiction (o ang utos sa pagpigil sa kahit anong uri ng pag-aaklas ng mga manggagawa na di pwedeng hindi sundin) ang Department of Labor and Employment sa ilalim ni dating Sek. Patricia Sto. Tomas. Binantayan ng halos tatlong batalyon ng militar (Nolcom) at pulisya (PNP) ang asukarera. Sunud-sunod ang tangkang pagbuwag sa pinagsamang piketlayn ng mga magsasaka at manggagawang-bukid.
Matapos ang pagpapasabog ng tear gas noong mga naunang araw, pinaulanan ng bala ang piketlayn ng mga magsasaka at manggagawa ng asukarera noong Nobyembre 16. Marami ang tinamaan. Pito (7) ang nangamatay at daan-daan ang nasugatan.
Maniobra ng Hustisya
Noong Enero 2005, isinampa ng mga naulila ng mga biktima ang mga kasong kriminal at administratibo sa Ombudsman laban sa mga matataas na opisyal ng militar, PNP, DOLE, at ilang miyembro ng pamilyang Cojuangco-Aquino. At noong sumunod na taon, nagpalabas ng resolusyon ang Ombudsman na tinatanggal bilang respondent sa kaso ang mga matataas na opisyal ng gobyerno tulad ni dating Sek. Patricia Sto. Tomas, at maging ang pamilyang Cojuangco-Aquino. Lahat sila ay absuwelto sa kaso.
Ayon sa mga kaanak ng biktima, malaki ang pananagutan ng pamilya Cojuangco-Aquino sa masaker. Hindi naman raw umano maaring gawin iyon sa bakuran ng asyenda nang walang pag-ayon mula sa pamilya.
Bago naman maisampa ang kaso sa Ombudsman, nagkaroon rin ng serye ng imbestigasyon sa senado. Pareho ang nangyari sa pagdinig na ginawa rin sa kamara – walang nangyari. Si Pangulong Noynoy Aquino ay kongresista pa noon para sa ikalawang distrito ng Tarlac. Matapos rin ang masaker siya ang naging tagapagsalita ng asyenda at ng pamilya Cojuangco.
Sa huli, mga mabababang opisyal na lamang ng militar at pulisya ang nasampahan ng kaso. Hindi na nakagugulat na nakabinbin pa rin ito ngayon at ang mga akusado ay laya pa rin ngayon. Kasabay ng pagdausdos ng hustisya sa Senado at Kamara, hindi na rin malaman kung ano ang resulta ng kaso sa Commision on Human Rights o kung may naging resulta nga ba.
At kamakailan lamang noong Disyembre 11, 2010 pinulong umano ni PNoy ang labing-isang Punong Barangay na nakakasakop sa asyenda sa isang lugar malapit sa Robinson’s Luisita. Pagsuhol raw umano ito dahil hawak ng mga opisyal ng barangay ang kontrol sa pagbibigay ng permiso sa kahit anumang pagwewelga ng mga union upang idaos.
Lumang ‘Lupang Pangako’
Muli’t-muling nauulit ang pambibilog sa mga pagal na magsasaka. Tatlong henerasyon ng pagkakait sa karapatang matagal na dapat nilang tinasa.
Pepe Cojuangco: matapos ang sampung taon na palugit at sumapit na ang 1967, walang lupang pangako ang nakuha.
Cory Aquino: sagot umano ang CARP, pero mas lalo lamang naging komplikado ang dilemang kinasadlakan ng mga magsasaka. Mas lalo pang lumala ang kalagayan.
Bago ang halalan noong 2010, isang pangako ang binitawan ni PNoy, ang ipamahagi na ang lupain sa mga magsasaka kapag siya’y nahalal. Iyon na raw ang pinakasagot sa isyung agraryo na matagal nang pinagsamantalahan. Nanalo at lumipas ang isangdaang araw sa panunungkulan, walang lupang bigay ng mga huwad na panginoong may-lupa.
“Matapos ang tulakan at bunuan ng lakas, akala namin ay napagwagian na naming ang laban ng araw na iyon. Mali pala. Maraming dugo muna ang kailangan nilang idilig sa natutuyo nang lupa.” patapos ni Bais.
Sa huli, nananaig ang tunggaliang wala naman dapat karapatang umiral sa simula pa lang. Kung talagang sinsero ang gobyerno at ang pamilyang Cojuangco-Aquino sa tinatawag nilang ‘tunay na repormang agraryo’ hindi na kailangan pang umabot sa dahas, at pagpaslang sa mga dapat na may-ari ng lupa --- ang magsasaka, dahil sila ang masa, ang tunay na dahilan ng demokrasya. #
Sanggunian:
- Philippine Collegian Vol. 88, No. 10-11 Sept. 2, 2010
- Lito Bais, United Luisita Workers Union
- http://pinoyweekly.org/new/2010/11/katarungan-sigaw-pa-rin-ng-mga-magsasaka-ng-hacienda-luisita
- http://la.indymedia.org/news/2009/09/230275.php
- http://www.wsws.org/articles/2006/jan2006/phil-j18.shtml
sabi ko syao carl magaling kang magsulat.
ReplyDeletebuti n lng natauhan na ang SC pero dapat viglant pa din. tuso ang mga cojuangco
Casino: $10 Free + 100 Spins | KTM Hub
ReplyDeleteA new 충청북도 출장마사지 partnership 양주 출장마사지 with 서귀포 출장마사지 Evolution Gaming, the supplier of live 포항 출장안마 casino games to its casino floor, will see the game 충주 출장안마 designer build a brand-new