Ang tatlong henerasyong pagkaganid na umiiral sa Hacienda Luisita
Higit isang oras rin ang naging biyahe mula sa sentro ng lungsod ng Tarlak upang marating ang kabahayan ng mga obrerong gumagawa para sa Asyenda. Bigla kong naalala na dito pala galing ang mga tubong iniluluwas sa aming bayan sa Pangasinan. Madalas kapag dumadaan sila noon sa tapat ng aming bahay sisigaw kami ng ‘unas’ na tubo sa salitang Pangasinan. Nayayamot kami noon, sampu ng aking mga kalaro kapag hindi nila kami binabatuhan sa tuwing sila’y dadaan. Sisigawan naming sila ng ‘imut’ o madamot.
Pero sa araw na ito, batid ko na ang kanilang sentimyento. Hindi ko alam na sila pa itong matagal nang naging mapagbigay sa kanilang panginoong may-lupa. Kung alam ko lang sana noon.
Mas payak pa sa simple ang pamumuhay ng mga mangagawa sa Asyenda. Habang tinatahak namin ang kubong pagdarausan ng Basic Mass Integration (BMI) nadaanan namin ang maraming kabahayan. Wala ako halos narinig na ingay ng telebisyon o radyo na nakasindi sa lugar. Tanghali noon, marahil sa lahat nang pinagdaanan nila wala na sila sigurong panahon upang magpa-petiks pa.
Sa paglalakad, sumusunod sa aming paghakbang ang tingin ng mga matang tila may hinahanap. Mga matang uhaw sa karapatang ninakaw ng mga makapangyarihan. Mga matang umaasa na sa bawat estrangherong mapapadpad sa lupang pangako’y may magandang balitang hatid.
Doon ko nakilala si Poy at si Carlos. Sila ay pawing miyembro ng Samahan ng Kabataang Demokratiko ng Asyenda Luisita (SAKDAL). Ang mga makabayang Kabataan na sa Asyenda ko lamang nakita. Mga aminadong hindi nakapag-aral ngunit mas matatas pa kung ihahalintulad sa mga nakapagtapos sa kolehiyo dahil sa bulag sa mga kaganapangng sosyo-politikal sa lipunan. Sila ang mga kabataang, bagaman salat sa kayamana’y may direksyon at layunin ang buhay. Mga dahilan kung bakit ko sila itinuring na makabayan.
Itinanong nila ang akin ang personal kong dahilan tungkol sa aking pagparoon. Nais kong malaman ang ugat ng tunggaliang hindi naman dapat maranasan pa ng mga abang manggawang-bukid. Gusto kong maki-simpatya sa kanilang hinaing. Palakasin ang kanilang boses sa lipunan at gobyernong kumiling na sa panginoong may-lupa. Gusto kong patunayan na may mga tao pa ring naniniwala para sa karapatan ng mga maliliit at ang pagkampi sa mga naaapi.
At biglang tumayo si Carlos, naglalakad papalayo at maluha-luhang lumabas ng kubo. Tahimik ang iba ko pang kasama sa grupo. Parang nagpaulit-ulit ang pangyayaring iyon sa aking isipan. Tumatak iyon at lubusang binago ang aking pananaw.
PagkaHumaLIng sa Salapi, Panlilinlang, at Pang-aapi
Halos batid na ng lahat ang usapin sa Hacienda Luisita Incorporated (HLI). Sa sobrang dalas ng pagdaan nito sa ating mga pandinig, lumalabas na lamang ito sa ating mga tenga. Palasak kung maituturing ngunit siya nakalingatan na natin.
Napasakamay ng pamilya Cojuangco-Aquino ang HLI noong 1958 sa pamamagitan ng isang loan sa Government Service Insurance System (GSIS). Ayon kay Lito Bais pangulo ng United Luisita Workers Union (ULWU), nakasaad sa kasunduan na agad rin itong ipapamahagi sa mga magsasaka matapos ang sampung taon. Nakalulungkot isipin na matagal nang ipinagkait sa mga manggagawang-bukid ang dapat ay para sa kanila.
Dumating ang panunungkulan ni Cory, hawak pa rin ng pamilya ang kontrol sa lupain. At dito na sila sinimulang linlangin. Isinabatas ang Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL) na sa ilalim nito ay ang pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Orihinal na layunin sana nito ay ibahagi na ang lupain sa mga magsasaka. Ngunit hindi doon natapos. Nagkaroon ito ng opsyon: ang Stock Distribution Option (SDO) sa ilalim ng Stock Distribution Program (SDP). Sa halip na ipamahagi ang lupa ay magkakaroon ng stock ang mga beneficiary nito. Masarap lamang pala sa pandinig.
Dahil sa bago ito sa pandinig, marami ang pumirma sa unang bugso ng pagpapatupad nito. Kung sa arawang sahod ay makakatanggap ang obrero ng P9.50, sa SDO ay bumababa pa sa P0.17 o labing-pitong sentimo ang nakukuha ng isang stockholder nito. May pangyayari pa umano na magbibigay ng tulong pinansyal ang pamilya at papipirmahin. Nakakagulat at nakakabigla na ang mga pirma ay nakalakip na sa listahan ng mga beneficiary na sumasangayon na sa SDO. “Dahil sa SDO, mas naging miserable ang buhay naming.” ani Ka Lito.
Nagpatuloy pa ang serye ng panlilinlang. “Nagkaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) noon sa ilalim ng CARL. Kasama ang pagpipilian ang SDO o Land Distribution (LD). Nakakapanloko lamang dahil ang pagpipilian ng mga beneficiary ay ‘No to Land’ at ‘Yes to SDO’. Sobra na talaga.” Dagdag pa ni Ka Lito.
Taong 2001, nagkaroon ng upgrading ang HLI. Mas naging mechanized na ang pagsasaka na nagbunsod upang bumaba ng halos hanggang 300 na lamang ang magsasaka’t mangagawang bukid.
At nitong 2004 lamang, pinaikot-ikot sila ng mga ahensya ng gobyerno. Muling binuksan ang kaso. Nagkaroon ng rebyu ang pagpapatupad ng CARP sa HLI. Nagkaroon ng maraming ulit na petisyon. Naglabas ng desisyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng rehimeng Arroyo na “nararapat ang pagbabawas ng manggagawa dahil nalulugi na ang HLI.”
Dahil sa pahayag na nalulugi na ang HLI, dumulog ang ULWU sa Department of Agriculture (DA) para sa agarang paglilipat ng mga titulo sa mga magsasaka. Ngunit “kumikita ang mga beneficiary” ang naging tugon nila. Tinukoy nila ang mga nasa ilalim ng SDP na tumatanggap ng kita kada buwan. Kita para sa kanila ang P0.17 o labing-pitong sentimo.
Hanggang Libingan
Nobyembre 6, taong 2004 ikinasa ang isang malaking strike. Naparalisa ang operasyon ng HLI. Nagwakas ang strike matapos ang sampung araw sa pamamagitan ng inilibas na Assumption of Jurisdiction o ang pwersahang pagbuwag sa piket line na humantong sa isang masaker. Labing-apat ang nangamatay. Halos sangdaan ang sugatan, at daan-daan ang dinampot.
Nalungkot at nangilabot ako nang makita ko na ang bubungang sapin ng kubo ay ang tarpaulin ng mga listahan at larawan ng mga manggagawang walang-awang pinagbabaril ng mga elemento ng militar at pulisya.
“Maraming dugo pa ang kailangan nilang idilig sa lupa.” ani Ka Lito.
Naisip ko, ilan pa kayang manggawa ang dapat mahirapan upang maibigay sa kanila ang dapat ay para sa kanila? Ilang henerasyon pa ba ang dapat lumipas para ‘tunay’ na pakinggan ang kanilang hinaing? Ilang mga kabataang tulad nina Poy at Carlos ang dapat pang agawan ng pangarap nang dahil sa sigwa?
Umalis ako, sampu ng aking mga kasama at tuluyan nang nilisan ang Asyenda. Baon ko ang pangarap at hangarin na sana’y makamit na ng mga obrero ang hustisya’s karapatan na dapat ay matagal nang naiatang sa kanila. Nangangarap na sa aking pagbalik, mga matang hindi na binigo ng bulok na sistema ng lipunan ang sasalubong sa akin. At isang mala-tubo sa tamis na ngiti ang aking iniwan sa mga taong bumago sa aking buhay. ###
naaawa ako sa kanila. sa tingin ko, kaya pinapa-impeach ni Baldman si Corona dahil sa Hacienda Luisita. tsk tsk tsk
ReplyDeletemust be.
ReplyDelete