Santuwaryo: Isang Naratibo ng Pag-akap sa Kalayaan na Dulot ng Lunduyan
▼Patrick T. Burgos
Oktubre 22, 2010
Kakatapos lang ng pagragasa ng Bagyong Juan sa Hilagang Luzon. Nagsisimulang bumangon muli ang mga tao. Kasabay ng marami pang pagsisimula. Malamya sa umpisa bagaman kumikilos. Magdadapit-hapon na ngunit nasa biyahe pa rin ako patungong Lingayen. Dalawang oras na ang dumaan at nasa Lungsod Dagupan pa rin ako. Baha hanggang binti tulad ng nasaksihan ko sa mga bayan ng Sta. Barbara at Calasiao. Mabagal ang mga sasakyan at mawawari ang inis at dismaya sa mga tao na dulot ng bahang matagal nang walang solusyon.
Ala-syete impunto, nakarating na ako ng Lingayen. Madilim. Malamig. Maulan. Nakahapon na ang tao ngunit wari’y magsisimula pa lang ang umaga para sa akin. Alam kong merong magbabago. Palagay ko.
Sakay ng traysikel sinuong ko ang daan papunta sa kapitolyo. Malapit roon ang lugal ng pagdarausan na dapat kong sadyain. Hindi ito ang unang pagkakataon na naparito ako sa tanyag na bayang ito. Alam ko rin na hindi ito ang magiging huli.
Tumatak sa aking balintataw ang masalimuot ngunit puno ng lunggating pagbangon at paglaya ng bayan mula sa pagkakasukol noong Ikalawang Digmaang Mundyal. Kaya meron tayong holiday rito sa Pangasinan tuwing Enero 9 upang gunitain ang Liberation of Lingayen Gulf noong 1945.
Makalipas ang halos sampung minutong byahe, nakarating na ako sa otel na pagdarausan ng Lunduyan. Siningil ako ni manong ng trenta pesos para sa pasaheng alam ko na sampum piso lang. Hindi na rin ako nagreklamo. Madalang ang tao sa kalsada. Malamang hindi pa siya naka-boundary. Inisip ko na lang na humahaba ang kalsada sa gabi kaya siguro nagmahal na rin ang pasahe.
Pag-akyat ko sa ikalawang palapag, naroon ang aking mga kasamahan sa Secretariat. Abala sila sa pagtanggap ng mga delegadong nais lumahok at magparehistro. Naroon si Trina, ang pambansang taga-pangulo ng College Editors Guild of the Philippines at si Liezel bilang puno ng komite para sa Lunduyan.
Nanibago ako sa kapaligirang aking nadatnan. Puro kabataan ang naroon na nag-organisa ng Lunduyan. Kabataan ang mga delegado. Kabataan rin ang dahilan ng pagtitipong iyon. Naisip ko tama pa rin si Rizal na bagaman hindi lahat, ang Kabataan pa rin ang pag-asa ng bayan. Alam kong hindi ako nagkakamali.
Sigwa
Oktubre 23, 2010
Mula sa otel, pupunta ang pulutong ng mga kabataang manunulat sa War Memorial ng Lingayen upang gunitain ang ikalabing-isang buwan ng pagkitil sa kalayaan sa pamamahayag na naganap noong Nobyembre 23, 2009 na kung saan 57 buhay ang pinaslang ng dahil sa katakawan sa kapangyarihan. Kasabay nito ang pagtulog ng hustisya at katarungan sa nakalipas na panahon.
Dahil sa ako lamang ang taga-Pangasinan na miyembro ng Secretariat, naatasan ako ni Trina na pangunahan ang linya patungo sa lunan. Halos dalawang-daang student-journalists ang nagtipon, nakasuot ng itim, bitbit ang kanya-kanyang plakard. Marami ang nagtaas ng kanilang tikom na kamao. Inakala kong simpleng martsa lamang iyon ng biglang:
“Kalayaan sa pamamahayag!” sigaw ni Trina.
Ngunit hindi pa natatapos ang aking pagkabigla ng;
“Ipaglaban!!!” sagot ng lahat.
Hindi ako nakasagot. Hindi ako makasabay sa pagsigaw. Una ito sa pagkakataon. Natanong ko tuloy sa aking sarili “Anong klase ba itong napasukan ko?”. Kinakabahan ako. Ngunit hindi ko alam kung bakit at ano ang dahilan.
Matapos ang tatlong ulit na pagsigaw ng aking mga kasamahan, nakisigaw na rin ako para sa katarungan, para sa hustisya, para sa kalayaan. Tuluy-tuloy ang daluyong ng sigaw para sa katarungan. Kasabay nito ang daluhong ng sigwa na nagmumula sa puso ng mga kabataang nagnanais ng kalayaan.
Narating na rin namin ang liwasan. Magdadapit-hapon na. Nag-aagawan ang dilim at liwanag na matatanaw sa dalampasigan. Nagkaroon ng maikling programa at pagdarasal bago itirik ang kandila na siyang magdudulot ng liwanag para sa mga kaluluwang uhaw sa hustisya.
Nagbigay ng mensahe, pagkondena, at pakikiramay para sa mga naulilang pamilya ang halos lahat ng mga patnugot na naroon ng sandaling iyon. Iba’t-ibang pamantasan at kolehiyo sa buong Luzon, iba’t-ibang katauhan, iba’t-ibang mukha, kami ay nagkaisa.
Bagaman wala akong kilala ni isa sa mga biktima, hindi ko naiwasang malungkot, manlumo, at magalit sa nangyari. Gayon man na naguguluhan pa rin ako sa aking bagong mundo, alam ko na nasa tama ang ipinaglalaban ko.
Paglago*
Okubre 24, 2010
Higit isang taon pa lang ang itinagal ko sa bokasyong campus journalism. Minsan iniisip ko kung ano ba ang maiaambag nito sa isang taong nag-aaral sa Engineering? Ano ba ang mga malalaman ko dito na makakatulong sa aking kurso? Nakakatulong ba ito o nakakaabala lamang sa aking pag-aaral? Na imbes magawa ko ng maayos ang aking plates napupuyat pa ako sa pagtapos ng mga artikulo?
Nahanap ko ang kasagutan doon mismo sa Lunduyan. Ito ay ang taunang pagtitipon ng mga campus journalist sa buong Luzon na inoorganisa ng CEGP magbigay ng basic at advanced trainings sa mga manunulat pangkampus.
Bahagi ng Lunduyan na iyon ang isang talakayan sa pangunguna ni Ginoong Pedro “Jun” Cruz Reyes Jr. – primyadong manunulat at batikang propesor sa UP Diliman.
“Alam niyo ang bonsai?” usisa niya sa amin. “Alam niyo kung bakit siya ganoon?” Kaya raw ganoon ang anyo ng bonsai sapagkat maraming bagay ang ipinagkait dito – ang sinag ng araw, ang matabang lupa, ang tubig pandilig. Wala rin umanong laya ang bonsai na lumago; nakapalupot ang alambre sa mga sanga ng puno. Kung mamunga man ang bonsai, karaniwan din daw na binabansot ang halamang magmumula sa mga bunga niyon.
“Ganyan din ang tao,” aniya. Bunga ng napakaraming nakatataas na institusyon, awtoridad ng gobyerno, at kapangyarihan ng estado, naipagkakait sa indibidwal ang sinag ng karapatan, nagiging uhaw siya sa kalayaan, at kalimitang nakagapos sa tanikala ng pagmamalabis.
“Gusto ko e kahit isa sa bunga ng bonsai na iyan ay mamunga at lumagong isang tunay na halaman – ganap na malaya,” dagdag ni Sir Jun.
Pagmulat
Oktubre 25, 2010
Mas lalo kong naintindihan ang sitwasyong kinasasadlakan ng bansa: ang mga galawin sa lipunan, at ang mga mekanismong ginagamit sa pang-aabuso sa masa. Nakakalungkot na bagaman may ipinagdiriwang tayong Araw ng Kalayaan, nakatali pa rin ang ating mga paa sa iba’t-ibang bansa ng dahil lamang sa numero na kung tutuusin ay walang halaga kung wala ang tao – ang pera.
Nalaman ko rin na bilang manunulat pangkampus, responsibilidad ng isang katulad ko ang pagmumulat sa kapwa ko mag-aaral hinggil sa tunay na sitwasyon ng bansa – ang malaking lipunan sa labas ng pamantasan. Tungkulin ko rin na ipaalam at pakialaman ang mga bagay na lubos na nakakaapekto sa kapakanan ng bawat estudyante at ng mamamayan, dahil ang pagsusulat ay ang mismong pagpili. Pagpili ng papanigan, ang mamamayan ba o ang iba? Ang estudyante o sila?
Sa isang class discussion na aking nasalihan, ang Philippine Social Realities, mas naging malinaw sa akin ang maling kalakaran sa bansa. Na kung bakit hindi nabibigyang-pansin ang tatlong pinaka-importanteng sektor: Edukasyon, Kalusugan, at Agrikultura. Na kung bakit unti-unti tayong nagiging alipin at biktima ng Imperyalismo, Burukrata-Kapitalista, at Pyudalismo. At kung bakit ang karamihan ng mga nambibitikma ay silang nasa kapangyarihan at ang mga mapera? Na kung bakit mas napaglalaanan pa ng pondo ang militar kesa sa edukasyon? Digmaan at karahasan na ba ang ituturo natin pagkatapos bumasa at sumulat?
Masyadong maraming bagay ang gumulo sa akin noong araw na iyon. Bagaman tukoy ko na ang daang tatahakin nagninilay-nilay pa rin ako kung tuluyan ko ng aakapin ang mundong naghihintay sa akin. Sadyang nakakalito, kailangan ko nang mamulat.
Lunduyan
Oktubre 26, 2010
Nalaman ko na ang kalayaan pala ay hindi ibinibigay. Hindi ipinagbibili dahil wala itong katumbas na salapi. Hindi ito ipinauutang dahil walang interes ang makakapagbigay ng hustisya rito. Hindi mo ito naaani. Hindi sinusukol. Hindi pinapatid.
Ang kalayaan pala ay hindi kusang lumalapit. Hindi ito isang pakiramdam na nandyan na lamang at mararamdaman mo bigla. Hindi ito ang klase ng salita na kapag binigkas mo, nararamdaman mo. Ang kalayaan ay isang pandiwa. Isinasabuhay, ginagawa, at ipinaglalaban. Hindi ito relatibo at wala itong hangganan.
Patapos na ang halos limang araw ng pakikiisa. Nakakagaan bagaman napagod ng husto, marami akong nakilalang mga bagong kaibigan, at kasamahan. Mga kasamahang hindi ko lubos na kilala noong una. Hindi ko akalai’y makakasundo ko rin pala sa huli.
Kami ay pinagbuklod ng isang hilig, isang layunin, at iisang dahilan upang lumaban. Tinawag kami ng iisang himig, tinipon ng iisang tinig, at lalaban para sa isang sigaw.
Maraming naidulot na magandang pagbabago’t pag-asa ang Lunduyan para sa akin. Nagbago nito ang pananaw ko sa maraming bagay. Nabago nito ang maraming aspeto ng aking pagkatao. Lunduyan, na sa salitang Hiligaynon ay ‘santuwaryo’, nakahanap ako ng isa sa taumbayan. ■
* Pasasalamat kay Jan Fredrick Pangilinan Cruz
ng Matanglawin, Pamantasan ng Ateneo de Manila
anu-ano naman ang mga nagign reflections m dun? masaya b?
ReplyDelete