Nagkita tayo. Nagkatagpo. Halos magkabanggaan.
Ngunit parang tuyo’t na lupain na walang ulan, walang tubig.
Dahil walang salita mula sa atin ang lumabas sa ating mga bibig.
At ikaw nga’y tumawid. Tinahak mo ang maluwang na kalsada.
Nakipagpatintero sa mga sasakyang rumaragasa.Sa mga taong halos nagkakabangga.
May mga kasama kang iba. Mga kaisa mo sa layunin at mithiin. At natahimik ako.
Sa kabilang panig ng kalsada, naroon ka. Kasama mo sila. Silang bagong-turing mong pamilya.
Matagal kayong naghintay. Bus na inaabangan patungong Kamaynilaan.
Naramdaman ko ang paghikbi ng aking puso.
Hindi ko kinayang tumayo. At sa sulok ng isang antayan, ako’y naupo.
Puso ko na lang ang nakikiulayaw. Nakikiulayaw para sa pagsintang isinuko ng isa.
Ngunit puspos-kasiyahan ang nadarama. Napapawi ang lungkot.
Maiukol lamang sa iyo ang bawat palihim na pagsulyap nagliliwanag na ang kabagut-bagot kong buhay.
Ngunit nanatiling tikom ang ating mga bibig. Tali ang mga puso sa mga prinsipyong pinanghahawakan natin.
Mga mata na lamang natin ang nangungusap. Tinatahak ng ating paningin ang layo na likha natin.
Nangungusap sa pagitan ng dalawampung talampakang tipak ng lupa na naghihiwalay sa atin.
Saksi ang maitim na kalangitan. Wala ng tala gaya ng kawalan ng pag-asa para sa ating dalawa.
Sa daing na iyon, nanginig ang aking mga paa. Nagbabadya ng paghabol sa distansyang tatahakin mo sinta.
At nanaig sa aking pag-iisip na magparaya na lamang. Magbigay sa katauhang inangkin na ng madla.
Tuluyan na ngang pinakawalan ng gumamela ang paru-paro sa kalangitan. Hindi na niya nakapiling pa.
Halos malunod ang aking puso ng hawakan mo ang iyong mga dala.
Sumapit na ang iyong pag-alis. Pupunta ka na ng Maynila.
Pumanhik ka sa bus sampu ng iyong mga kasama. Hanggang sa umusad na ito papalayo sa lunan na iyong inabandona.
Naupo ka sa tapat ng durungawan. Nakatitig sa akin. Nakangiti. Matatamis na ngiti ang iniwan mo papaalis sa akin.
Sinundan kita ng tingin. Ngunit hindi ako makangiti. Abot –tanaw ko ang bus. Kasabay nito ang muling paghahabol ng aking puso sa layo na iniwan mo.
Hanggang sa mapagpasyahan kong ako’y pumanaog na upang umuwi. Kasabay ng iyong paglayo, ang pag-usad ng bus na sinasakyan ko.
Lumalayo ako habang lumalayo ka. Lumalaki ang pagitan sa mundo nating dalawa.
Pag-ibig na lamang ang magtatali sa pusong pinaghiwalay na ng pakikibaka.
Sa Maynila’y tumuloy ka at tinuran mong ika’y hindi na babalik pa. Sa lansanga’y magiging lagalag.
At tanging ang kalsada na lamang ang naging saksi sa pagmamahalan na inagaw na ng sigwa.
ang eemo ng posts m. hehe.
ReplyDeleteSalamat sa comments. Magpakilala ka naman para makapagpasalamat ako. :D
ReplyDelete