12/14/2010

Hiram na Lupain*

Hiram na Lupain
Alay ni Carl Andrion para sa mga magsasaka ng Asyenda Luisita

Tahan na, pagal na magsasaka
Limutin panandalian kirot na nadarama.
Diligan ng tubig ang lupaing uhaw
Uhaw sa awa’t kabaitan ng panginoong may-lupa.
Payabungin mo ang mga tanim mong tubo.
Tubo na gugupo ng tamis.
Tamis na siyang tutunggali sa mapait na dila.

Punasan mo maralita at hawiin ang pawis sa iyong noo.
Ipakita na ika’y palaban at hindi susuko.
Palaban sa tunggaliang hindi mo dapat danasin.
Gumaod ka. Trabahuing madali
Tubong inani sa iyong amo’y ipatikim.
Sapagkat sila itong damdamin ay maitim.
Na sa hirap ng paggawa’y hindi nakakatikim.



Bumangon ka magsasaka.
Tumayo sa pagkakayuko.
Tanawin ang haring araw na nagdudulot ng init.
Init na taglay ay bigay upang damdamin ay mag-alab.
Huwag ka pasusukol.
Maging matatag at tularan ang tanim mong tubo na sa hangi’y di nadapa.
Pagpupursigi’y may kapalit.
Hindi man ngayon ay bukas marahil.

Sulong magsasaka!
Talampakan mong bitak ay ihakbang.
Pilapil ay tawirin at ang nais ay sundin.
Suungin ang iyong lupain na ng iba’y inangkin!
Laban ay hindi pa tapos at huwag kang lilisan.
Ako ay kaisa sa adhikain at ika’y aking tutulungan.
 Tulad nitong mga titik na sa hiram na lupai’y  hindi ka iiwan.

*Pagpasensyahan niyo na at hindi ito gaano kaganda. Hindi kasing ganda na dapat ialay sa mga palabang masa. Isinulat ko ito habang nakaupo sa terminal ng Dagupan Bus sa Tarlac (11-11:30 NG ng Disyembre 12)  habang inaantay ang biyahe patungong Manaoag. Ito ay nasulat ko dahil na rin sa pagmulat na dulot ng pakikinig sa mga hinaing ng manggagawang-bukid at magsasaka ng Asyenda Luisita noong Disyembre 11. Para sa kanila ang kaginhawahang dapat anihin na sa paghihirap ay sila ang nagpunla at hindi sa mga panginoong may-lupa.

1 comment:

Leave your mark.