12/23/2010

12/22/2010

12/21/2010

Aloof



Deserted Paradise (Dasol, Pangasinan | December 21, 2010)

Ang Laang Lugar Para sa Atin*

*Dahil hindi kayang limutin ng Kalasada ang pag-iibigan natin.

Naririto ako, muli,
Sa lunan kung saan iniwan mo.
Sa pag-ibig na sinusubok ng distansya,
Distansyang hindi na maabot ng pagsinta.
Hanggang kailan ako mapaparito?
Babalik sa lugar na nilimot mo.
Tulad ba ng karagatan, wala na bang katapusan?
Paghahanap sa iyo sa kawalang iniwan.

Sa kalsadang ito kung saan,
Binukot ka ng pangarap para sa bayan.
Kailangan mo ba talagang limutin?
Pagsinta na sa iyo’y inuukol pa rin.
Tulad ng ulan sa tag-araw, hinihintay ka.
Sa iyong pagbabalik-bayan sinta.
Unos ang buhay na wala sa piling mo.
Pag-ibig walang saysay, nanlulumo, nalulumpo.


12/20/2010

Ang Pagsintang Lulumain na ng Kalsada

Nagkita tayo. Nagkatagpo. Halos magkabanggaan.
Ngunit parang tuyo’t na lupain na walang ulan, walang tubig.
Dahil walang salita mula sa atin ang lumabas sa ating mga bibig.
At ikaw nga’y tumawid. Tinahak mo ang maluwang na kalsada.
Nakipagpatintero sa mga sasakyang rumaragasa.Sa mga taong halos nagkakabangga.
May mga kasama kang iba. Mga kaisa mo sa layunin at mithiin. At natahimik ako.
Sa kabilang panig ng kalsada, naroon ka. Kasama mo sila. Silang bagong-turing mong pamilya.
Matagal kayong naghintay. Bus na inaabangan patungong Kamaynilaan.
Naramdaman ko ang paghikbi ng aking puso.
Hindi ko kinayang tumayo. At sa sulok ng isang antayan, ako’y naupo.



Puso ko na lang ang nakikiulayaw. Nakikiulayaw para sa pagsintang isinuko ng isa.
Ngunit puspos-kasiyahan ang nadarama. Napapawi ang lungkot.
Maiukol lamang sa iyo ang bawat palihim na pagsulyap nagliliwanag na ang kabagut-bagot kong buhay.
Ngunit nanatiling tikom ang ating mga bibig. Tali ang mga puso sa mga prinsipyong pinanghahawakan natin.
Mga mata na lamang natin ang nangungusap. Tinatahak ng ating paningin ang layo na likha natin.
Nangungusap sa pagitan ng dalawampung talampakang tipak ng lupa na naghihiwalay sa atin.
Saksi ang maitim na kalangitan. Wala ng tala gaya ng kawalan ng pag-asa para sa ating dalawa.
Sa daing na iyon, nanginig ang aking mga paa. Nagbabadya ng paghabol sa distansyang tatahakin mo sinta.
At nanaig sa aking pag-iisip na magparaya na lamang. Magbigay sa katauhang inangkin na ng madla.
Tuluyan na ngang pinakawalan ng gumamela ang paru-paro sa kalangitan. Hindi na niya nakapiling pa.


12/14/2010

Hiram na Lupain*

Hiram na Lupain
Alay ni Carl Andrion para sa mga magsasaka ng Asyenda Luisita

Tahan na, pagal na magsasaka
Limutin panandalian kirot na nadarama.
Diligan ng tubig ang lupaing uhaw
Uhaw sa awa’t kabaitan ng panginoong may-lupa.
Payabungin mo ang mga tanim mong tubo.
Tubo na gugupo ng tamis.
Tamis na siyang tutunggali sa mapait na dila.

Punasan mo maralita at hawiin ang pawis sa iyong noo.
Ipakita na ika’y palaban at hindi susuko.
Palaban sa tunggaliang hindi mo dapat danasin.
Gumaod ka. Trabahuing madali
Tubong inani sa iyong amo’y ipatikim.
Sapagkat sila itong damdamin ay maitim.
Na sa hirap ng paggawa’y hindi nakakatikim.


Santuwaryo

Santuwaryo: Isang Naratibo ng Pag-akap sa Kalayaan na Dulot ng Lunduyan
Patrick T. Burgos

Lamya
 Oktubre 22, 2010
Kakatapos lang ng pagragasa ng Bagyong Juan sa Hilagang Luzon. Nagsisimulang bumangon muli ang mga tao. Kasabay ng marami pang pagsisimula. Malamya sa umpisa bagaman kumikilos.  Magdadapit-hapon na ngunit nasa biyahe pa rin ako patungong Lingayen. Dalawang oras na ang dumaan at nasa Lungsod Dagupan pa rin ako. Baha hanggang binti tulad ng nasaksihan ko sa mga bayan ng Sta. Barbara at Calasiao. Mabagal ang mga sasakyan at mawawari ang inis at dismaya sa mga tao na dulot ng bahang matagal nang walang solusyon.

Ala-syete impunto, nakarating na ako ng Lingayen. Madilim. Malamig. Maulan. Nakahapon na ang tao ngunit wari’y magsisimula pa lang ang umaga para sa akin. Alam kong merong magbabago. Palagay ko.

Sakay ng traysikel sinuong ko ang daan papunta sa kapitolyo. Malapit roon ang lugal ng pagdarausan na dapat kong sadyain. Hindi ito ang unang pagkakataon na naparito ako sa tanyag na bayang ito. Alam ko rin na hindi ito ang magiging huli.

Tumatak sa aking balintataw ang masalimuot ngunit puno ng lunggating pagbangon at paglaya ng bayan mula sa pagkakasukol noong Ikalawang Digmaang Mundyal. Kaya meron tayong holiday rito sa Pangasinan tuwing Enero 9 upang gunitain ang Liberation of Lingayen Gulf noong 1945.