Ang Duyan at ang Lalaking Madalas Natutulog Roon
Matagal na rin akong hindi sa nagawi sa parteng likod-bahay namin. Inabot na rin marahil ng taon. Tila isang matamis na panaginip na nagbabalik nang masilayan ko ang duyan. Ngunit tulad ng ibang ala-ala na marahas na bumabalik sa balintataw, mapait na muling isipin ang mga masasayang kahapon. Dumako ako sa isang kubo. Kubo na tayo ng isang lalake matagal na panahon ang nakalilipas. Natunghayan ko pa rin ang duyan na naroon. Ginawa niya upang pahingahan para sa nakakapagod na gawain sa kabukiran tuwing tirik ang araw sa hapon. Tama. Magsasaka siya. Matagal niya na ring ginugol ang buhay niya upang sakahin ang minanang lupain sa kayang ama. Dahil sa wala nang iba pang makakapagbigay ng atensiyon upang sakahin iyon, napunta sa kanya ang responsibilidad. Marami silang magkakapatid, nakararami ang babae, at ang mga kapatid naman na lalake’y nasa ibang lugar, may sariling pamilya, at may kanya-kanyang trabaho na wala nang kaugnayan sa pagsasaka.
Naaalala ko sa pagsapit ko sa kolehiyo, madalas ko siyang maabutan na natutulog roon. Sa duyan na gawa sa hinabing matitibay na lubid na tahimik at mahimbing na nagpapahinga. Madalas kasi na maaga ako nakakauwi noon sa hapon. Pagbaba ko ng bus, didiretso ako sa tarangkahan ng aming bahay. Sarado ang pinto sa harapan. Walang tao. Kaya sa likod naman ako dadaan. Naroon ulit ang lalakeng nakahiga sa duyan. Tulad ng parati kong ginagawa, tutuloy ako sa kanya. Dahil madaling magising agad niyang iaabot ang kanang kamay niya sa akin. Aabutin ko at magmamano. Ngingiti siya at kakamustahin ang isang araw na nagdaan malayo sa kanya. Sasagot ako. Tahimik at piling salita ang lumalabas. Pero kahit anong tipid ko sa sagot , tila nabubuhay ang loob niya sa bawat kwento ko.
“Kamusta ang eskwela?” Mainit niyang pagbati. “Ayos naman po.” Kasunod ang aking pagbuntong-hininga. Mataman niya akong tinignan na tila ba sinusuri. Sandaling panahon din akong hindi nakaimik dahil sa pag-antay ko ng sagot niya. “Kung hindi ka masaya sa ginagawa mo, iwan mo. Sundan mo kung saang daan ka masaya. At susundan ka ng tagumpay.” Namangha ako sa sinabi niya. Nalaman niya ang saloobin ng isang kabaatang malayo sa edad niya. Kung paano niya nawari, di ko na nalaman pa. Araw-araw na ganoon ang nadaratnan ko. Paulit-ulit. Umiikot-ikot lamang ang pangyayari. Hindi ko maipaliwanag kung gaanong tiyaga ang naibubuhos niya para sa sakahan. Bakit niya pa rin ipinagpapapatuloy ito? Nagtapos naman siya ng Agham Pampulitika ngunit lubos niya pa ring mahal ang pagsasaka. Nabalitaan ko rin na may nag-aalok na bilhin ang lupa mula sa kanya, ngunit tinanggihan niya ito. Hindi ko alam ang dahilan. Siguro hindi ko pa siya talaga ganun kakilala ng lubusan.
Lumipas ang dalawang taon. Sariwa pa rin ang mga pangyayari. Pareho pa ring naroon ang duyan, nag-iba na nga lang ang panahon. Iba na ang oras ng pag-uwi ko. Madalas na akong gabihin at tanghali na kung pumasok. Lumipas na talaga ang maraming oras at nasayang ang pagkakataon. Karamihan ng mga ito ay ang mga bagay na hindi ko na maibabalik pa. Di ko na ulit mararanasan. Nangungulila ako sa panahon na naroon pa ang lalaking nakahiga sa duyan. Mabigat ang pasanin ko at wala na rin ang maalam na lalaking laging nagpapayo sa akin bago pa man ako magbuhos ng saloobin. Wala na talaga siya sa paborito niyang duyan. Hinanap ko siya. Hinanap ko ng buong puso ang lalaking nasa duyan sa kawalang naiwan niya.
Tumungo ako sa bagong lugar kung saan siya nanatili. Masukal ang daan patungo roon. Tahimik at malayo sa tirahan ng iba pang kakilala niya. Puno ng mga natuyong dahon ang paligid na sa bawat pagyapak ko ay naglilikha ng ingay na gumigising sa katahimikang nakahimlay sa lugar na yaon. Magulo ang bagong lugar niya. Makipot at pasikot-sikot ang daan. Hinanap ko siya. Ang pangalan niya, ang lugar niya, at ang pagkatao niya. Ilang minuto rin ang naitagal ng aking paghahanap sa kanya. Natagpuan ko na rin siya. Nginitian ko siya. Di na siya umimik pa. “Maraming salamat po sa lahat.” Sumunod na ang aking pagluha. Gusto ko siyang yakapin ng mahigpit. Kahit na minsan lang sana. Masakit dahil hindi na namin maaaring gawin pa iyon. Tahimik ang paligid. Napakatahimik. Matagal rin ako naglagi sa piling niya at ang katahimikang kasama niya sa nakalipas na dalawang taon. Naupo ako sa damuhan habang nakaharap sa kanya. Dala ng puno ng narra ang malamig na amihan. Masarap sa pakiramdam na tila ba’y niyakap niya ako mula sa kawalan. Hindi tulad ng mga nagdaang panahon, iba na ang sigla ko sa pagku-kuwento sa kanya sa nakalipas na dalawang taon, marami akong naibahagi sa kanya ng mga oras na iyon, ngunit mas marami ang di ko naibahagi sa kanya. Dala na rin siguro na mahabang paghihiwalay namin at iksi ng panahon upang magkasama ulit. Patapos na ang araw. Magdidilim na. Sasapit na ang pag-aagawan ng liwanag at dilim. Pinakamasakit dahil kailangan ko nang magpa-alam sa kanya.
“Oo nga po. Sinunod ko ang payo niyo sa akin nung madalas pa kayo sa duyan noon.” Unti-unting tumutulo ang luha ko kasabay ang unti-unting pagbagsak ng mga tuyong dahon ng narra sa aking harapan na sumusuray sa malamig na ihip ng hanging amihan. Sa puntong iyon, noon ko naintindihan ang ibig sabihin ng salitang pangarap. Ang pagpapahalaga sa iyong malinis na kagustuhan at ang pag-aalay ng pag-ibig at dedikasyon sa bawat hakbangin mo. Hindi ko pa pala siya ganoon kakilala. Hindi dahil ayaw niyang ipakilala ang sarili niya kundi dahil hindi ko lang siya hiyaan na magpakilala. Pero sa nakalipas na dalawang taon, meron akong natutunan sa kanyang kawalan. Ang paghihintay. Matagal, ngunit puno ng pag-asa na kami’y magkausap pa muli. Ngunit meron ding mga bagay na hindi na nalulunasan pa ng paghihintay. Hindi na siya ang dating lalaking nakikita ko madalas sa duyan noon. Tinapos ko ang ulilang naramdaman ko sa nakalipas na dalawang taon sa mga salitang sinabi ko. “Maraming salamat at huling paalam sa iyo…” Hindi ko na naituloy pa. Tumalikod na ako sa kanya at patuloy na umalis. Dumaan muli sa masukal na lupa na puno ng tuyong dahon ng narra. Gusto ko siyang kausapin ulit. Ngunit ayaw ko ng bumalik pa. Lumingon ako at humarap ako sa lugar na aking pinanggalingan ng araw na iyon. Humarap ako sa puntod niya at nagpaalam ng “Hanggang sa muli, Tatay!”
Carlo Hernandez Andrion
11. 10. 2009
http://caloycoy.blogspot.com
Kaisa mo ako sa pakikidalamhati. :)
ReplyDelete“Kung hindi ka masaya sa ginagawa mo, iwan mo. Sundan mo kung saang daan ka masaya. At susundan ka ng tagumpay.” ---> Pinaka-inspiring na nabasa ko sa blog na ito.
ReplyDeleteSalamat Fred. :-)
ReplyDeleteinpiring po! :)
ReplyDelete