Nagkaroon ako ng isang masinsinang usapan mula sa isang kaibigan. Ipapakilala ko siya bilang ‘Sarah'. Hindi ko siya naging kaklase ni minsan pero masasabi kong magkaibigan kami dahil marami siyang alam sa akin at ako naman din sa kanya. Isang tagpo sa aming pamantasan, hapon bandang ikalawa habang ako’y tahimik at mag-isang nag-aantay ng susunod kong klase. Nakita niya ako at napansin ko siya. Walang imik, di maipinta ang mukha, at ang huli’y tumabi siya sa akin.
“Bakit mo hinahayaang gawin nila sa iyo yan?” panimula ko.
“ Pagkatapos niya ng kolehiyo malaking pagsubok ang haharapin niya.” Matapos ang isang malalim na buntong hininga.
“Kaya hinahayaan mo sila kahit mali?”
“Oo. Dahil doon sila masaya.”
“Masaya na saktan ka!” sagot ko na may halong inis.
Ilang sandali din kaming natahimik mula sa pinag-usapan. Pinilit kong buhayin ang naantala sanang kamustahan. Maliit lang ang College of Engineering para hindi magkita ang mga magkakaibigan pero seryosong matagal ko na rin siyang hindi nakakausap. Kung sabik kang makausap ang taong alam ang saloobin mo, iyon ang naramdaman ko ng mga panahon na iyon. Isang wala pa ring buhay na pag-uusap ang umaandar ng mga oras na iyon. Pareho kaming nakatingin sa mga kapwa mag-aaral sa aming harapan na masaya kasama ang mga kaibigan nila.
“Sa tingin mo masaya talaga sila?” tanong ko sabay tukoy.
“Pilit lang pinangingiti ng isang babae ang sarili niya. At alam ko nasasaktan pa rin siya.”
“Saan siya nasasaktan?”
“Hindi ko alam dahil magulo ang puso niya.”
Sandali nagkaroon ng katahimikan. Natawa ako sa sinabi niya. Nahiwagaan siya dahil wala nga namang nakakatawa sa mga nabanggit niya.
“Eh ako, hulaan mo na ako!”
“Anong huhulaan ko? Magtanong ka ah.”
“Anong magiging ako sa hinaharap?”
“Ang tanong, kaya mo pa ba?”
“Saan? Sa pag-aaral, pag-ibig,o buhay?” tanong ko.
“Yung huli. Nakikita ko ang pagsuko sa iyo.”
Napatahimik na naman ako sa mga sinabi niya. Nakatingin siya ulit sa akin. At ako nama’y nakatingin sa kawalan. Bigla kong sinariwa ang layunin ko. Naramdaman kong may punto nga naman siya. Hindi pwedeng umayaw. Napagtanto ko na hinihiling niya na ipagtapat ko ang saloobin ko para mapagaan ito. Kaya binuksan ko ang sarili ko sa kanya at nag-kwento.
“Alam mo may third eye yata ako.” Muling pag-uumpisa ko.
“Alam ko. Pero di mo nakikita lahat dahil hindi mo sila hinahanap.”
“Sinong sila?” ang naging tanong ko.
“Ang mga naliligaw. Mga taong pumasok sa ikatlong pinto.” Muling sagot niya.
“Minsan nga sana hindi ko na lang sila nakikita. Nakakatakot ang pakiramdam na laging may nakatingin sa iyo. Tataas ang balahibo mo. Pero mukhang mapagsasanayan ko rin ata. Eh kung lubus-lubusin ko na lang. Ipabukas ko kaya ng tuluyan. Hahaha” Hindi ko pinagtuunan ng pansin ang ikalawang sinabi niya noon.
“Ikaw ang bahala. Ako anino lang ang nakikita ako. Hugis, pigura, at silhouette lamang.”
“Alam mo, bago mamamatay tatay ko, napanagimpan ko ang nangyari dalawang araw bago noon.”
“Oh? Paano nangyari iyon?” sagot niya.
“Ewan. Pero pareho rin ang nangyari ng mawala ang dalawang lola ko at ang tito ko.”
“Nakakatakot ang kakayahan mo. Dapat kapag ganyan sinasabi mo mismo sa tao ang mangyayari sa kanya at nang malihis.” Sagot niya na may tonong nag-aalala.
“Ganun ba yun? Parang kasalanan ko pa tuloy.”
“At nakakatakot ang ganyang pakiramdam.” singit ko.
“Parang sa iyo din. Nakakatakot. Nalalaman mo ang kapalaran ng iba pero ang sarili mo wala kang ideya. Hindi ba hindi patas iyon?”
“Pareho lang tayo sa mga doktor at barbero. Hindi natin kayang gamutin o gupitan ang mga sarili natin. Kailangan natin ang isa’t-isa.” Pangangatwiran niya.
“Naniniwala ka ba sa Diyos? Personally?” Pag-iiba ko.
“Tumingin na lang tayo sa paligid at hayaan natin na ang mundo ang mangumbinsi sa atin.”
“Eh para saan ang kamatayan?”
“Kapanganakan para sa tunay na buhay.” Sagot niya muli.
“Alam mo sa oras na humiwalay ang tao sa katawan niya, mapupunta siya sa isang lugar na may tatlong pintuan. Ang unang pinto ay daan patungo sa mainit na lugar. Magpakailanman kang masusunog at makararamdam ng hapdi na dulot ng paso sa katawan na pumupunit sa kaluluwa mo sa bawat liyab ng apoy ngunit hindi magmamaliw ang sakit. Gapatak na tubig ay ipagpapasalamat mo na.
Ikalawang pinto naman ay patungo sa langit. Isang lugar na kung saan ang lahat ay masaya at nagmamahalan sa piling ng may-ari ng kalawakan.”
Sandaling naudlot ang kwento niya. Napansin niyang napatahimik ako at pinilit na inobserbahan at inintindi ang iniisip ko.
“Eh yung ikatlo at huli? Purgatoryo?”
“Hindi. Iyon naman ay patungo sa daigdig. Magiging isang nilalang tayo na hindi na nakikita ng mga ordinaryong tao. Magpakailanman kang lagalag. Isa-isa mong makikita ang pagkawala ng mahal mo sa buhay. Makikita mo ang dalamhati ng mga tao, hinagpis, kalungkutan, kasiyahan, at kasamaan. Isipin mo, para kang nakakulong sa isang kwarto na maraming telebisyon na ipinakikita ang mga nangyayari sa tao ngunit ang magagawa mo lamang ay pagmasdan at panoorin ang mga ito. Masakit hindi ba? Parte ka ng pagkasira dahil hindi mo napigilan ang mga ito.”
“Oo nga. Napakasakit. Iyan pala ang ikatlong pinto. Nakakatakot.” Sagot ko. Kasunod ang mahabang katahimikan sa gitna ng magulong eskwelahan. Alam niyang nabigla ako sa mga sinabi niya. Halos tumulo ang aking mga luha dahil sa sobrang kalungkutan ngunit pinilit ko pa ring balewalain ang naghuhumiyaw kong damdamin. Muli kong sinimulan…
“Kaya pala may mga ligaw na kaluluwa. Malalaman mo ba kung saan mapupunta ang mga tao?”
“Sarili niya lang ang may alam.”
“Paano mo nalalaman ang mga tungkol dito?”
“Hindi ko din alam. Basta napupunta na lang sa isip ko. Kahit na yung mga bagay na sinasabi ko sa iyo ay bigla ko na lang naiisip.”
“Ano ang gagawin ko? Hanggang saan ang mararating ko?”
“Kung hanggang saan ang gusto mo. Tao lang ang nagtatakda ng kanyang patutunguhan. Kung magiging iba ba siya o tutulad na lang sa iba.”
“Eh paano ang magiging buhay ko sa hinaharap? Matagal pa ba ako?”
Ngiti ang naisukli niya. Hindi niya masagot ang tanong ko. Bakas ko sa mata niya ang kasagutan ngunit pilit na itinatago ito. Siguro nga maigsi lamang. Madali lang naman kasi magsabi ng 'oo' kapag totoo eh. Ngunit para sa akin hindi na importante iyon. Ang mahalaga'y ang aking patutunguhan. Mahirap maglakbay sa dagat at magpaanod sa alon kung ikaw mismo hindi alam kung saang direksyon ka papanig. Natapos ang usapan namin ng biglaan dahil sa oras na noon ng aking klase. Iniwan ko siya sa lugar na kung saan nabalot ng pangamba ang magulo kong puso. Matapos ang pangyayaring iyon, paulit-ulit umikot sa aking isip ang mga napag-usapan namin. Ganun ba talaga ang mundo? Ang hirap palang intindihin at akapin ang katotohanang nakahain kasama nito. Ngunit tulad ng laging kong sinasabi sa isip ko tuwing ako’y nasasawi, kailangan kong tanggapin ang nakatakda sa akin. Kailangang tanggapin na ang isang paru-paro sa gubat na pagkatapos niyang kumawala sa supot niya ay pitong araw lamang ang ilalagi niya. Maigsi kumpara sa kagandahang taglay niya. Maigsi para paghandaan ang buhay na maaring sumalubong sa kanya pagdaan niya sa ikatlong pinto.
Carlo Hernandez Andrion
11.13.2009
http://caloycoy.blogspot.com
nakakatakot naman....
ReplyDelete