Desideratum: Mga Bagay na Dapat Gawin
Sa tapat ng CSC (College Student Council) Office, nakaupo ako, mag-isa. Hawak ang cellphone, nagba-browse sa dictionary. Kailangang kumain bago sumabak sa giyera.
Ryan: “Pasok ka na nagsimula na ang screening!”
Ako: “Hindi naman ako sasali eh.” Pagsisinungaling ko.
Ryan: “Basta pasok ka na lang daw kapag sasali ka na.”
Ako: ***Di ako nakatiis. Pumasok din ako nang makaalis siya.
Pumasok ako sa CSC Office kung saan gaganapin ang screening. Sanamabits Ang lamig. Parang di yata ako makakapag-isip ng maayos. Then the journey continuous. (Nagsimula ng tumugtog ang Super Mario Theme)
---
July 16, 2009
Nagulat ako sa isang post ng isang contact sa multiply. Nabasa ko sa blog post niya ang tungkol sa nangyari kay Conrado Macapulay Jr. Pumanaw na siya noong February 2009 pa. Kaya pala di ko na nararamdaman ang blogspot niya. Namahinga na pala si titser hindi ko pa alam. Naaliw kasi ako sa multiply kaya di ko na rin siya nakamusta at napasalamatan.
Maaring hindi mo siya kilala. Kaya ipapakilala ko siya sa iyo. Mag-aaral siya ng TIP (Technological Institute of the Philippines). Bukod doon EIC (Editor-in-Chief) ng TIP Voice (opisyal na pahayagan ng TIP). Madalas akong nagbabasa ng blags niya sa blogspot. Oo, blogspot ang gamit ko bago pa ako napadpad sa multiply.
Mula noon, nabatid kong malayo ang kakayahan kong magsulat sa kanya. Magaling siya. Walang pinipiling midyum. Pinatunayan niya na hindi sagabal ang paggamit ng Filipino para ayunan ang isang ideya. Ang Ingles kasi ay para sa pormalidad lamang. Pero kung Pilipino ang kausap mo at ang paksa ay tungkol sa bayan mo, hindi magandang gumagamit ka ng Ingles. Nagmumukha kang nagbi-baby-talk sa gitna ng thesis defense. Kakulangan ng kakayahang paikutin ang mga salita sa Ingles sapat na pagpapahiya---Natakot akong magsimula.
Naaalala ko pa kasi yung sinabi ng highschool teacher ko na wala raw akong karapatan para magsulat. Hindi ko alam kung seryoso siya noong sinabi niyang iyon, pero pinaniwalaan ko naman. Ganyan ako ka-reverent sa mga nakakatanda sa akin. Kaya ngayon pinipilit kong maging egalitaryan. Pantay-pantay tayo sa tingin ng Diyos at ng kapwa tao natin ---dapat. Hindi ko rin masasabi na kawalan ng respeto ang pagiging egalitaryan. Maari mo namang ipakita ang respeto sa mas makabuluhang paraan.
Kaya takot na takot ako pagdating sa English at Filipino subject noon lalo na kung sa pagsusulat ng opinyon. Ayaw kong mapahiya sa klase. Pero siguro nga may puso pa rin naman siya kaya hindi na niya sinabi sa harap ng marami. Dala ko ang trauma sa paglapat ng panulat simula ng mag-kolehiyo ako. Sa paniniwalang pare-pareho ang mga palagay sa akin ng mga taong sa halip ay dapat na turuan ako muli akong nagtanong. Pero parang tulad ng taong maysakit, humingi ako ng second opinion, (parang doctor lang eh no). Sa panahon na yaon, sa isang manghuhula. Tama ang nabasa mo, portyunteler. Parang Madam Auring. At ewan ko ba kung bakit magkakamukha ang mga manghuhula. Pero dahil sibil kami (civil) libre ang konsultasyon. Abra kadabra: Poof! Hindi raw ako magiging manunulat. Maigsi raw ang pasensya ko sa mga bagay. Tinanong ko kung gaano kaiksi at balak ko naman dugtungan, di niya raw maipaliwanag kailangan daw manghuhula rin ako. Basta ang sabi niya ay isang malutong na – ‘hindi’. Nagpaulit-ulit ang binitiwan niyang salita sa kukote ko na parang nanlilibak: ‘Hindi’ Hindi’ Hindi’ Hindi’ Hindi’. Para niyang sinabi na mauupos na ang kandila pero di niya tiyak kung matutunaw na ito. Simula noon, itinigil ko na ang pangarap ko na mabasa ako ng mga hindi ko kakilala. Teka nalalayo na sa intro ah. Okay next paragraph!
Kaya mula bilang manunulat nagcareer-shift ako. Nakow naman. Mula sa isang hunghang writer, naging commenter sa mga forum at mga blogsite. Naisip ko kailangan ko muna siguro matututo. Doon ako nakakilala ng isang tae, tao pala (Ooops! Erratum lang po. Pagpasensyahan. ) na makakapagpabago ng pananaw ko sa pagsusulat. Nae-excite ka na ba? Hinay lang baka sumabog ka niyan. Siyempre ayun. Madalas ako mag-comment. Sino ba naman ang hindi mapapa-comment sa mga barubal niya. Simula noon, unti-unti kaming nagkakilanlan. Pero sa blogspot lang. Puro sa pagsusulat ang paksa. Ang galing nga eh, para akong may tutor sa writing na kung tutuusin eh wala naman kami personal na koneksyon. Kuya ang tawag ko sa kanya, siyempre dahil mas matanda siya, (hindi pa ako egalitarian noon) at ‘Oi’ ang tawag niya sa akin. Pero ayos lang. May karapatan naman siya. Guro eh kaya dapat pagbigyan. Nagpatuloy ako sa buhay sa ganoong kalakaran. Ibibigay ko sa iyo ang ibang natutunan ko mula sa kanya.
Mga Dapat Isaalang-alang Sa Pagsusulat
1. Magsulat Ka
Simple lang. Parang ganito iyan eh, kung gusto mo magbilang magbilang ka, kung kumanta naman ang trip mo eh kumanta ka din. Simple hindi ba?
2. Gumamit ng Kumpleto at Tamang Salita
Hindi pwede ang mga tulad ng sumusunod: ‘muxtah n peu keoh?’, ‘ah etuh, okayz lng nman hir.’ Kumpletuhin mo ang salita. Maiirita raw ang magbabasa dahil sa nakakahilong pagbabaybay at dapat ay nabibigyang halaga ang kapakanan nila. Huwag din maglalagay ng mura pero masaya raw kapag merong mababasang ganoon minsan.
3. Huwag Matakot Gumamit ng Filipino
Huwag raw ikahiya ang paggamit ng salitang Pilipino. Kung Ingles daw ang ginamit ni Bob Ong sa libro niya, tiyak lalangawin ito. Hindi nasusukat ang ideya sa gara ng wikang nakabihis dito. Eh ano ngayon kung yung tulad ng sa ‘bourgeoisie’ ang ginamit mo o yung sa ‘supercalifragilisticexpialidociousme’ ? Walang extra credits iyon. Bukod sa pagpapahangin at pagpapagulo sa ideyang nais mo ipalabas eh nailalayo mo ang dapat malaman ng mambababasa sa dapat na tinutumbok mo. Mas maituturing pa nga na mas marunong ang mga taong mahusay sa Filipino dahil mas bibihira sila kumpara sa mga magagaling na Conyo. Mas mahal din pala ang Diksyunaryong Tagalog kesa kay Webster at Oxford.
4. Makialam Ka
Isaalang-alang mo ang katotohanan sa panitikan. Kung ang panitikan ay walang katotohanan, magiging marupok ito. Ganoon din kapag puro katotohanan na lamang, nagiging mapait ang sulat. Masarap iluwa at idura.
5. May Talento Ka sa Pagsusulat
Lahat daw tayo eh may talento sa pagsusulat. Sa iba-ibang paraan at pananaw lamang nagkakatalo. Depende lamang daw sa tao kung paano niya ito mailalabas. Kung marunong kang magbasa, marunong ka din sumulat!
6. Panagutan ang Isinulat
Huwag kang masindak sa kumento ng iba. Tanganan mo ang iyong sinabi lalo na kung opinyon ito. Mawawalan ng tiwala ang mambabasa sa iyo kung ikaw mismo ang kumakalaban sa mga ideyang naisulat mo. Ang sirang oraasan daw ay tama rin dalawang beses sa isang araw.
7. Gumawa ng Sariling Istayl
Dapat raw eh maging kakaiba iyong uri ng pagsusulat mo. Maaring manghiram ka minsan ng istayl sa ibang manunulat pero dapat ibabalik mo agad. Dahil wala ng mas sasakit pa sa isang manunulat na pagsabihan ka ng “Wow! Ang galing! Fan ka talaga ni Bob Ong and I love your writings now.” Sanamabits Total devastation na talaga.
8. Walang Tama o Mali
Sa pagsusulat, walang tama o mali. Tulad sa korte, nagiging tama minsan ang isang bagay dahil sa mga dahilan na isinasangkalan ng abogado. Sabi nga eh, kung gagawa ka ng masama, magbigay dahilan ka sa sarili mo para di ka makonsyensya.
9. Pakinggan Minsan ang Kritiko
Dapat bukas ka sa pagpapaunlad ng kakayahan mo. Pero hindi dapat sosobra sa paraan na sumusulat ka na lang dahil sinabi nila. Pinapatay mo ang sarili mong kalayaan. Kung nagiging mapanira na ang mga kritiko, isnabin mo na sila . A statue has never been erected in honor of the critic.
10. Tats op Reyaliti
Dapat ang mga isinusulat mo ay may bahagyang daplis sa katotohanan para nakakasunod ang mga mambabasa. Maari mo ring isingit ang mga pagbabagong nais mong maumpisahan. Dahil nasusukat ang kahalagahan ng isang manunulat kapag naiiwan niyang nag-iisip at kumikilos na ang mga taong nakabasa sa akda niya.
“Magsulat ka. Hindi dahil gusto mo kundi nabubuhay ka. Huwag mong intindihin kung sino o kung may magbabasa. Ilabas mo ang opinyon mo sa mundo. Maki-alam ka. Huwag mong iisipin na hindi ka biniyayaan ng talento sa pagsusulat. Dahil kung marunong ka magbasa marunong ka din sumulat.” Conrado Macapulay Jr.
Siyempre bilang pagtanaw ng utang na loob sa kanya, ‘Pinasasalamatan ko siya ng lubos’ Natulungan niya ako at nabigyan ng isang bahagi na hindi at tinanggihang ibigay ng iba. Kung hindi dahil sa kanya hindi na siguro ako naglalagi sa blagaspir. Utang ko sa kanya ang tinta ng panulat na gamit ko. (Kung nababasa niya ito, tumatawa siguro siya dahil hindi niya naisip na gagawan ko siya ng isang sulat tulad nito)
---
Isang araw nakaupo sa pasemano ng koridor sa eskwelahan, kinausap ako ng EIC ng school organ naming:
Ma’am EIC: “Congrats! Feature Editor ka!”
Ako: “ Ha?? Tae! Ako? sigurado ka?” Gulat ako eh at di ko na inasahan.
Ma’am EIC: “Oo, feature editor ka. Kasali ka na.” Sabay alis dahil napadaan lang naman siya.
Tsong: “Uyy! May paganyan-ganyan ka na ha. Talaga naman.”
Ako: “Nagbibiro lang yun. Huwag mo siya paniwalaan.” Dahil loko-loko ako.
Maraming salamat ‘Kuya’. Dapat proud ka dahil bangungot ang dumale sa iyo. Sakit raw ng mga gwaping iyan eh (Rico Yan, Marky Cielo, Heath Ledger,at Michael Jackson). Rest in Peace po. Pwede marami? Rest in Peaces! Hanggang sa muli nating pagkikita!
***
Intellectual Property Rights Reserved:
Carlo Andrion y Hernandez
9 Aug 2009
http://caloycoy.blogspot.com
@Adiah: Thank you for reading!:-)
ReplyDelete