LOBO
Caloycoy
Alasingko-y-medya, naririto na naman ako. Nag-iisa sa isang silid sa loob ng pamantasan. Dapit-hapon na at unti-unti nang nangingitim ang silahis na likha ng haring araw. Ayoko pa. Hindi na muna ako uuwi. Nakakintal sa isipan ko ang pag-iisip ng wala. Paparito muna ako, hihintayin ang mga bago kong barkada.
Isang semestre na rin ang nakalipas ng ako ay magdesisyong humiwalay sa kanila. Kahit na magkasing-kurso, daig ko pa ang mag-aaral ng taga-ibang eskwelahan sa di pagpansin sa kanila. Madalas akong lumalayo, dumidistansya, nag-iisa. Kasabay n’on, ang patuloy na paglamon sa akin ng kalungkutan.
Mababait sila. Sila ang mga kasama ko buhat ng mag-umpisa akong mag-aral ng Inhenyera at magpakadalubhasa sa sipnayan apat na taon na ang nakalilipas. Isang taon na lang, magtatapos na kami at wala ng kasiguruhan kung kami ay magkikita pang muli.


