8/27/2010

Lobo



LOBO
Caloycoy

Alasingko-y-medya, naririto na naman ako. Nag-iisa sa isang silid sa loob ng pamantasan. Dapit-hapon na at unti-unti nang nangingitim ang silahis na likha ng haring araw. Ayoko pa. Hindi na muna ako uuwi. Nakakintal sa isipan ko ang pag-iisip ng wala. Paparito muna ako, hihintayin ang mga bago kong barkada.

Isang semestre na rin ang nakalipas ng ako ay magdesisyong humiwalay sa kanila. Kahit na magkasing-kurso, daig ko pa ang mag-aaral ng taga-ibang eskwelahan sa di pagpansin sa kanila. Madalas akong lumalayo, dumidistansya, nag-iisa. Kasabay n’on, ang patuloy na paglamon sa akin ng kalungkutan.

Mababait sila. Sila ang mga kasama ko buhat ng mag-umpisa akong mag-aral ng Inhenyera at magpakadalubhasa sa sipnayan apat na taon na ang nakalilipas. Isang taon na lang, magtatapos na kami at wala ng kasiguruhan kung kami ay magkikita pang muli.

Hindi ko ginusto ang humiwalay sa dalawa kong maaalam na kaibigan. Sa klase ng apatnapu, sila ang nagsasalitan, sila ang nangunguna. Samantala, isa lamang akong hamak na mag-aaral na pilit pinagkakasya ang tres upang makaalpas sa kolehiyo. Hindi ko rin siguro masisisi ang mga kaklase namin kung madalas akong maikumpara sa kanila.

Ngunit tulad ng gulong ng buhay, ang lahat ay pumapailalim din. Bumaba ang marka nila pareho; sa di inaasahan, sa di alam na kadahilanan. Sa siphayo ng kapalaran, ako ang naging biktima.

Hinding-hindi maiwawaglit ng aking pagkatao ang mga salitang sinabi ng aming propesor sa dalawa kong kaibigan. “Huwag muna kayo makisama sa kanya. Nang dahil sa kaniya bumaba ang marka ninyo. Tandaan niyo sana na kayo ang inaasahan ng ating departamento para maging topnotcher sa board.”  Ani niya. “ “Huwag niyo sana aalisin ang pangarap na iyon sa inyo.” Dagdag pa niya. Para akong sinaksak ng punyal sa dibdib. Hindi ko matangap ang aking mga narinig, bagaman totoo. Lumabas sila sa faculty room, alam kong nalaman nilang dalawa na narinig ko ang usapan. “Huwag ka mag-alala, kami pa rin ang dati. Mag-aaral lang tayo ng mas maigi.” Nasabi na lang nila na may kasamang ngiti. Alam kong tunay ang salita nila. Oo na lamang ang naisabad ko. Bagaman sabay-sabay kaming umuwi, tila naiwan na lamang sa lugar na iyon ang hinaing ng isang mahina ang ulo na tinanggalan ng boses sa paaralan.

Nakauwi na ako. Parehong bahay, parehong tao ang namasdan, pero iba na ang aking pinanggalingan. Hindi ako nakatulog magdamag. Nangingilid ang aking luha, nais ng tumulo na parang ayaw pa. Naisip ko ganoon nga talaga ang buhay. Hindi pantay-pantay ang tao sa lipunang kanyang ginagalawan. Laging may mas matimbang.


Bilang pagpapakumbaba, ako na ang lumayo. Alam kong bihira lang ang mga mag-aaral na kasing talino nila. At ayaw ko silang agawin sa pamantasan.

“Alas-nuebe na. Kelangan mo nang umuwi. Magsasara na ang gate.” Iyan na lamang ang nasambit ng sekyu upang ako’y paalisin na ng paaralang kumopkop sa akin. Naisip ko masyado na akong nagkwento ng tungkol sa aking sarili.

Agad akong gumayak upang umalis at sa labas nasalubong ko ang mga bago kong kaibigan. Lumipas din ang panahon, unti-unti na akong nasanay sa bagong samahan. Nakahanap din ako ng pagkalinga buhat sa mga bago kong kaibigan: Magugulo, maiingay, buhay na buhay ang barkada habang sumasaliw sa mahaharot na tugtugin, at higit sa lahat masaya. Nagkamali pala ako.

Malayong-malayo sila sa dalawa kong lobo. Ngunit huli na rin ang lahat. Nabitiwan ko na ang pisi at tuluyan na silang itinangay ng hangin papalayo sa akin. Kung maaabot ko lamang sila ay sa pagtanaw na lamang. At marahil panahon na upang marapat na tahakin nila ang bagong landas. #
27Aug2010

7 comments:

  1. Does this mean you're back to blogging? Welcome back!

    ReplyDelete
  2. Yes. I guess what the old adage has to say: a true writer will always finds way to scribble down his thoughts.; it's true. Thanks. =)

    ReplyDelete
  3. You could say that. But a common theme is "once a blogger, always a blogger." Di na importante what brought you back. As long as you're here to stay, mr. facebook. :)

    ReplyDelete
  4. Ahaha. Tatsd ako dun ah. Ahaha. Salamat!

    At Mr. Facebook na talaga ah! =))

    ReplyDelete
  5. Awww. Sayang naman ang pagkakaibigan. Naaalala ko tuloy mga kaibigan ko noong elementary at high school. Medyo may katagalan na rin noong huli kaming nagkausap. Malapit pa kami noon sa isa't isa. Pero ngayon? Hindi na e. Kapag magkaharap kami,kapag nagkikita, parang hindi na sila tulad ng dati. Andami nang nagbago. Nawalan na kasi ng communication. Hay.

    ReplyDelete
  6. Sapagkat nagbabago ang lahat. At walang makakapatid dito.

    ReplyDelete
  7. tama ung isang nagcoment. syang ang pagkakaibigan!!!

    ReplyDelete

Leave your mark.