8/05/2011

Puso ang Lumikha ng Kaguluhang ito

Puso ang Lumikha ng Kaguluhang ito


Naalala kita kanina. Sa bus. Maulan sa labas. Malamig. Nakatutok ang air-con sa aking mukha. Namamanhid. Nanlalamig.

Ikaw ang nagbigay ng unang tingin. Nobyembre 2009 noon, habang hinihintay natin ang publication adviser natin para pumanaog sa gaganaping Student Press Conference. Hindi tayo magkakilala. Ngunit nagtagpo ang ating mga mata, nagsangang-daan mula sa kawalan. Nagkangitian lamang tayo. Hanggang sa marating natin ang lunan. Doon sinabi mo na wala kang kilala sa mga bago nating kasama. Ako rin naman. Kaya natuwa ako nang sabihin mong “tayong dalawa na lang ang magkasama.” Pumayag ako. Simula noon lagi ka nang nakahawak sa mga braso ko --- bilang kaibigan.

Wala sa akin noon iyon. Para bagang isang normal na bagay. Normal na bagay mula sa mga hindi normal na pangyayari sa aking buhay. Hindi ko inakalang hahanap-hanapin ko ang mga kapit sa aking braso ng isang kaibigang tulad mo.



Natapos ang Press Conference, nanatili tayong magkaibigan. Sabay na tayong nananghalian tuwing araw ng pasok. Sabi ng mga kaklase ko, ipakilala ko naman daw sa kanila ang bago kong ka-relasyon: at ikaw raw iyon. Nahihiya ako sa iyo sa tuwing naririnig mo iyon. Dahil hindi nga naman tayo. Ipinaliwanag ko na ang lahat ng iyon ay nag-uugat sa isang malalim na pagkakaibigan. Buladas lamang daw ako, bakit ko pa raw itinatago. Muli akong dumipensa na wala naman talagang namamagitan sa atin na hihigit pa sa pagkakaibigan. Hanggang sa sabihin ng mga kabarkada ko sa akin, ang mga mga namumutawing matatamis kong ngiti sa tuwing dadalawin mo ako sa Silid 104. Sa tuwing hinihintay mo ako upang mananghalian. Sa tuwing sumasadya ka roon dahil gusto mo lang ng kausap. Sa tuwing nasisilayan kita.

Wala sa akin noon iyon. Nagdalawang-isip na lamang ako, wala naman talaga sa akin iyon, nang minsan mula sa kawalan at katahimikan ng ating usapan sa kantina ni Tita Ellen, “kapag break na kayo ng girlfriend mo, tayo na a.” , kasunod ang malapad mong mga ngiti. Nagitla ako. Inakala ko kasing niloloko mo lamang ako --- na alam kong bihira iyon sa pagkatao mo. Tinanong kita, “sigurado ka?”. Umoo ka.

Wala sa akin noon iyon. Mga apat na buwan mo rin akong niyaya sa alok mong tila isang biro pa rin na nagpapanting sa tenga ko.

Wala sa akin noon iyon. Taong 2010 na, hindi mo na ako kinukulit ng “kapag break na kayo ng girlfriend mo, tayo na a.”. Aaminin ko, na-miss ko iyon. Kung bakit ba naman kasi ang tao hinahanap ang mga bagay na wala na sa kanya. Siguro ganoon nga talaga. Patuloy tayong naghahanap ng mga bagay nang hindi natin nalalaman na nasa paligid lang pala ang hinahanap natin.

Wala naman sa akin noon iyon. Nang dumating ang taong 2011, naka-tatlong karelasyon ka na. Hindi pa kasama ang mga binasted mo sa mga manliligaw mo. Hindi ko naman maitatanggi na na-attract din naman ako sa iyo. Tanga na lamang ang lalakeng hindi mahuhulog sa iyo. Meron kang gandang hindi naluluma. Alam ko, wala kang panama kay Sam Pinto, ngunit iyong ganda mo, iyon yung klase na ‘panghabambuhay’. Iyong tipong gandang iingatan ng isang lalake hanggang sa kanyang huling hininga. Bukod doon, talentado ka. Nanalo ka nga sa Luzon-wide Press Conference e. Tapos, marunong ka pang kumanta. Kahinaan ko sa mga babae y’on. Ikaw ang unang nagparinig sa akin ng Two is Better than One. Sa iyo ko unang narinig ang Filipino version ng Runaway ng The Corrs na para sa akin, ang galling ng iyong pagkakakanta. Pero lahat ng iyon ay pawang maliliit na detalye mula sa tulad mong napakalaking pangyayari sa aking buhay. Kumbaga sa The Time-Traveler’s Wife maari mong sabihin sa akin na, “I was the big event.”

Wala naman sa akin noon iyon. Hanggang sa unti-unti na akong nasasaktan sa tuwing may kasama ka ng iba tuwing pananghalian. Hanggang sa pag-uwi mo, hindi na ako ang kasabay mo sa dyip. Hanggang sa hindi na tayo sabay kumakain ng soft ice cream sa 7-11. Hanggang sa dumalang na ang mga texts at tawag mo.

Wala naman sa akin noon iyon. Hanggang sa nalaman kong ikaw na pala ang laging nasa isip ko. Hanggang sa lagi ko binabasa gabi-gabi ang mga text messages mo bago matulog. Hanggang sa ipanagdadasal ko na na sana bukas, matiyempuhan man lamang kita --- nang nag-iisa, nang walang kasama. Upang makausap ka. At muling maranasan ang halakhak at ligaya habang kausap ka.

Pinagbibigyan rin naman ako paminsan-minsan. Madalas hindi. Pinagkakasya ko na lamang ang maigsing panahon na paminsan-minsan, na hindi mo kasama ang mga naging nobyo mo at nakakausap mo ako.

Wala naman sa akin noon iyon. Hanggang nitong huli, noong magpunta tayo ng Maynila. Hulyo 25, hindi ko malilimutan iyon. Dumalo tayo sa anibersaryo ng org natin. Dalawa lamang tayo mula sa pamantasan. Nauna akong dumating sa lunan. Sumunod ka, at sinundo kita dahil hindi mo alam ang gawi. Ang lugar na iyon ay Intramuros. Lugar na kung saan isinara ng mga pader. Tulad ng ginawa ko sa damdamin ko sa iyo simula ng una kitang makita, siguro ganoon na nga katagal.

Naisip ko, puso natin ang gumagawa ng kaguluhan. Puso ang nagdidikta kung sino nga dapat. Puso ang nakikiramdam. Puso ang naghihinagpis. Puso ang lumilimot. Puso ang muling magmamahal ulit. Lahat ng nabanggit ay itinakwil ko, maliban sa huli. Ang aking puso ay muling nagmahal ulit, salamat sa iyo.

Nilisan natin ang Intramuros. Apat na oras pang biyahe pauwi. Sumakay tayo noon ng air-conditioned bus. Madaling araw noon, alas-dos ng umaga. Sa bus. Maulan sa labas. Malamig. Nakatutok ang air-con sa aking mukha. Namamanhid. Nanlalamig. Ngunit nangingibabaw ang init ng damdamin. Matapos ang maraming buwan ng mailap na pag-uusap natin, nasolo kita. Sa bus. Maulan sa labas. Malamig.

Tinakbo ng usapan ang biyahe. Pagod at patay-katawan ngunit pinapawi noon ang lahat habang kausap kita. Hindi ko na nga maitatanggi. Mahal kita. Ngunit sa bus tayo ay pangkaraniwang magkaibigang babae at lalake. Wholesome kumbaga. Alam ko kasing may limitasyon, bagaman nag-uumapaw ang damdamin.

Mahal kita. Maaaring erotikong pag-ibig ito. Hindi ko maitatanggi. Lalake naman ako. Ngunit higit pa doon ang pag-intindi ko sa pag-ibig. Mahal kita kahit hindi naimbento ng diyos ang ‘procreation’. Pero hayun nga, nasa kontemporaryong diyalektiko na siya at mahirap patunayan na kaya mong magmahal ng tunay ng walang seks.

Para sa akin ang pag-ibig ay iyong buong magdamag kayo na magkausap lang, ngunit natatagalan ninyo ang isa’t-isa. Iyong tipong nag-uusap lang kayo habang-buhay pero nararamdaman niyo pa rin ang pag-ibig. Kaya sa tingin ko, kaya ko naman siguro gawin iyon, basta IKAW.

May aaminin nga pala ako sa iyo, (dahil umaasa akong binabasa mo ang blog ko, bagaman malabo). Noong sinabi kong may karelasyon ako, tungkol doon sa alok mo, nagsinungaling ako. Wala naman talaga akong karelasyon noon. Siyam na buwan na kaming hiwalay ng ex ko. Pero ayaw ko sumuong at sumugal sa pakikipagrelasyon sa iyo ng higit pa sa pagkakaibigan dahil:

Una, hindi pa ako sigurado sa nararamdaman ko.
Ikalawa, bagaman gusto na kita noong simula pa, para sa akin panloloko ang pakikipagrelasyon sa tao dahil lang ‘just for fun’.
Ikatlo, malalim ang pagpapahalaga at pag-intindi ko sa salitang pag-ibig. Bumabangga at umiigpaw ang salitang iyon sa ‘threshold’ ng distansya, panahon, at burgesya.

Noong nag-selebra tayo ng kaarawan mo sa Press Room, gabi ng Setyembre, kasama ang iilang kaibigan, pinilit kong pagtakpan ang mga emosyon sa birthday message ko sa iyo. Ayaw kong malaman mo na mahal na nga kita. Kaya ang mga emosyon, natunaw kasabay ng mga asukal sa cake. Ngunit naiwan pa rin ang tamis sa tinapay.

Ayaw kong madaliin ang sarili ko sa pakikipagrelasyon at pag-ibig, at ikaw rin. Masyado nang maraming pangkaraniwang bagay ang kinakaharap natin sa mga buhay natin araw-araw. At sana, hindi na kabilang ang pag-ibig doon.

Kaya muli, kung umabot ka sa puntong ito, at kung sakaling nagbabasa ka nga ng blog ko, o interesado ka sa mga sinasabi ko, mahal kita kahit napakagulo na ngayon ng lipunan.

“Ang mga puso natin ang lumilikha ng kaguluhan.”

Ang puso ko ang lumikha ng mga kaguluhang ito.

6 comments:

  1. grabe ang tyaga mo naman. :(

    ReplyDelete
  2. i shed a tear. *clap clap clap.*

    ReplyDelete
  3. @Anonymous: Di naman. E kung ganun, sana napansin na ako. Haha

    ReplyDelete
  4. @Earl: Haha. Salamt. :p

    ReplyDelete
  5. Ma-swerte ang babaeng tinutukoy mo sa post na eto. Hayst. Ang galing mong makata!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Rica: Salamat. Hindi ko alam na nagbabasa ka pa rin pala. ^_^

      Delete

Leave your mark.