6/11/2011

Tula't Salamisim

Ito ang produkto ng lektyur sa Pagsulat ng Tula ni Sir Richard Gappi noong 71st Nation Student Press Convention sa Initao, Misamis Oriental noong Mayo 11-15, 2011.

TAYO
Kitty Bantayan
The Warden, Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa

Tumabi ka sa akin,
Kinuwentuhan ng panaginip
At nakihagalpak sa hangin.
Tayong dalawa lamang ang karakter.

Ngunit batid ko ang mga matang nagmamatyag.

Mga matang,
…naghihintay kung kailan tayo susuko
… kung kainan tayo mabibigo’t lalakad palayo,
Hindi naman sila sagabal,
Hindi ang barbed wire at mga barikada.
Hindi rin ang pagitan o distansya.
Kundi tayong dalawa
Tayong mga nabubuhay para sa iba.

BASA
Frank David Peñaroya Bayanon
The Vision – University of Southeastern Phil.
Sadyang nakakabahala
Ang kili-kili kong basa
Pakitingin nga,
Nang pagkabalisa’y mawala.

KAWAYAN
Nej Tarayo

Kung lahat tayo’y magiging kawayan
Tiyak uunlad itong ating bayan;
Matutong yumuko kung kailangan
Kaunlaran natin ay makakamtan.

PARAG-UMA
Micah Rubenecia

Sapin na ng paa ay kalyo
Pudpod na ang mga kuko
Ubos pati rin ang dugo
Di pa rin abot ang dulo

*Sa aking mataas na paglipad
Sa bawat bundok at mga talampas
Paligid ay tila nasisira
Ganda na dati ay nawawala.
(The Quill)

*Kapagka ika’y dumadaan
Ako’y iyong tinatapakan
Tila wala kang pakialam
Na habang ako’y nasasaktan
Nababasa kapag umulan
At sa araw naiinitan
Ngunit tuloy pa rin ang buhay
Sa mundo nagbibigay kulay

(The Quill)
*Sa pagsulat ng tula’y wala akong maisip
Mga ideya ko’y lagalag at di mahagip
Ililimbag ko pa ba, nasimulan kong titik?
Kung aking puso’t diwa ay sadyang naiidlip?
(The Carmelite Ember)
*Katotohanan hinihingi mo
Sinabi ko naman yung totoo
Bakit ngayon bigla kang nagbago
Bakit nahihirapan ako?
(The Pillars)

*Ilang ‘ingat’ ba ang aking sasabihin?
Kung sa isip mo’y binalewala mo rin.
Pag-alala ko’y dapat mong intindihin
Ang pag-alis mo’y huwag mo nang balakin

At sa bukang-liwayway ng aking damhin
Nitong puso ko;y may nais iparating
Pagkagising ko’y balita’y kasing dilim
Isang puting kumot ang bigay sa akin
(Penwood)
Ang Pakikitunggalian ng Biyahero sa Marupok na Tulay na kanyang nadaanan:
Isang Araw sa Kanyang Buhay

Ramon Maraneta III, Palawan State U

Tila laksang patpat na tinahi ni Bathala
Isinabit sa magkabilang-dibdib ng lupa
Nang hindi maabot ang mga pangil ng dagat
At hindi malaglag ang humihingang luwad.

Maglakbay man ng mahabang panahon
O hampasin ng malakas na alon
Hindi pa rin nito mapapalubog
Bangka kong kahoy ‘sing tibay ng bapor.
(the DMMAxim)

*Sa tabing-dagat siya’y nagmamasid
Sisidlang supot ang kanyang bitbit
Malayo man siyang lubos kong batid
Ang pakay niya ay lima kong gilid

Kung kaya kong sarili’y ikubli
Tulad ng alimango’t kasili
Ako ma’y di mag-aatubili
Gagawing lahat ‘wag lang mahuli.
(Ferry)

Ang Magsasaka
John Rey Aleria

Pinaghihirapan mong bungkalin
Nang iyong pamilya’y makakain;
Nagbabanat ng buto sa bukirin
Upang linangin ang lupang nang-alipin.

Sadyang kaylupit ng kapalaran
Kung sinong nagsikap sadyang pinagkaitan
Nang kabuhayan at karapatan
Upang matustusan inyong pangagnailangan

Magsasaka dakila kang halimbawa
Bilang bayaning puno ng diwa
Sa kabila ng hirap sa iyong pagawa
Ikaw ay matatag at hindi nagsasawa

Hampas-lupa
Ace Ugdang

Mabusog man ang sikmura sa lamunan’g alikabok
Naunsyaming pangarap pilit ko pa ring inaabot
Lumangoy man sa mga kanal ng bitukang nabubulok
Hahanap at hahanap pa rin ng mababasurang sulok.

Pusong Sabik
Russel

Bakit tila ‘di mo Makita
‘Tong pagsintang nangungulila
Sa ‘yong pag-ibig aking sinta
Apoy ng pag-ibig magbaga.
Nakaraan
Eva
Sa isang laro, maraming nasiyahan
Sapagkat ito ang kanilang libangan
Lalo na kapag kanilang nalampasan
Ang lahat ng pagsubok na nakaabang

Ngunit ‘di matatapos ang isang laro
Kung ika’y bumabalik sa nakagisnan
Parang ito din ang iyong nakaraan
‘Di magiging ganap ‘pag binabalikan.

Langsa’t Alat
Karl Doceo

Ninakaw ng init ang lamig at alat
Ng nagbabagang hubog salat sa alab
Bumulwak ang langsa’t lumapat ang kalmot
Sa kadiliman lumaya ang galit at poot.

Kabos
Louie

Lansangan na ang nagsilbi kong tahanan
Pagkain ko ay galing sa basurahan
Nanglilimos na lang sa gitna ng daan
Sumisigaw ngunit pinandidirihan

Minsan nakakain, madalas ay hindi
Wala akong magawa; tanging paghikbi
Tao sa paligid di ko masisisi
Kailan ba sila mananatiling bingi?

Saka Na

Kapag nandyan ka ako’y kinakabahan
Lahat ay gagawin maiwasan ka lang
Magtago sa lupa’y akin nang naranasan
Wala kasi akong pambayad
Utang ko pwedeng saka na lang?

* - walang titulo, (xyz) - pangalan ng publikasyon

No comments:

Post a Comment

Leave your mark.