6/19/2011

Sa ngalan ng Ama*

Sa ngalan ni Ama*

Balkunaheng puno ng alala;
Iyon ay dahil sa iyo ama
Ginagambala ng nakaraan;
dumaang panahon na ika’y kapiling pa.

Madalas kang nakaupo
pag-alis at pagdating ko.
Ang sarap sa pakiramdam
na ako’y may madaratnan

sa tahanan. At ako’y magmamano
upang pangrespeto sa iyo.
Pinakamasarap na pakinggan
ang pagsambit mo

ng pangangamusta. Ito ang isa sa pinakakatangian ni ama
na di ko maiwawaglit,
ang pagpapakita niya ng pagmamahal
sa mga simpleng bagay.


Matagal na panahon man ang nakaraan,
nasa puso kita’t isipan.
Hindi ka man malingap ng mga mata,
Di man marinig ang iyong tinig,

at wala man ang kamay na aking inaabot,
narito ka sa aking puso,
buhay sa yaman ng alaala.
Kaya nadarama pa rin ang pagmamahal

na lubos na nagpakilala
ng wagas sa uri
hanggang sa oras ng iyong
pagkawala.
“ngunit sadya nga sigurong tungkol ito
sa mga hangganan. Gusto kong maglaho
ang lahat ng hangganan.
Gusto kong ipagbawal ang kamatayan.”
--- Iba’t-ibang Ngalan ng Hangin, Kael Co
*hindi ko ito tula. Gawa ito ng nag-iisa kong kapatid na babae na hindi nasilayan ang aming ama; sa apat na huling araw ng kanyang buhay. Mula ito sa drafts ng selepono niya, at hindi alam ang tungkol dito. Pasintabi Emma, ngayong araw ng mga ama.

No comments:

Post a Comment

Leave your mark.