11/28/2009

Unang Journalism Experience

(Photo shown: The Maguindanao's bloodbath. 57 killed, 37 of them are journalists.)


Unang Journalism Experience


November 25-27, 2009, sumali ako sa Regional Higher Education Press Conference (RHEPC) RSPC ng mga Colleges sa Ilocos Region. Ginanap sa Urdaneta Garden Resort. Di ako masyado nag-enjoy kasi nga sa Urdaneta ako nag-aaral. 21 daw ang total ng colleges/universities na sumali. Di ako sigurado sa pigurang iyan. 140 daw ang sumali na estudyante. Ang ibang eskwelahan nagpadala ng higit sampung delegado, samantalang sa amin apat lang. Doon ko naramdaman na hindi nabibigyang importansya ang pahayagan ng aming eskwelahan. Pero bago noon, may baon kaming ‘high hopes’ dahil sa mga puri ng mga estudyante ng aming kampus sa papel na nai-release naming bago nun. Iyon daw ang pinakamaganda na na-i-prodyus. May mga ilang isyu pero nalulunod ang mga iyon ng papuri at komendasyon ng marami.

Dumating kami roon ng hindi gaanong handa. Kung pagbabasehan kasi, ang mga ibang pamanstasan e nagkaroon muna ng pre-training at debriefing. Alam nila nag mga mangyayari at gagawin. Ako, isang baguhan lunod pa rin sa mga tanong. Ano ang mangyayari? Ano ang gagawin? Ano ang teknik? For the record,ito ang unang pagkakataon na sumali ako sa press conference at makipaligsahan na rin. Kakasali ko lang sa school organ namin noong July 2009. Naki-screen ako at natanggap ako bilang Feature Editor. Elated naman ako kasi nga first time ko pa lang tapos ganun na kataas. Nagpasalamat na lang ako. (Huwag po sanang isipin ng mambabasa na unti-unti akong nagyayabang). Tapos dahil sa isang konting balasahan at pagkabakante ng pwestong EIC, naging Associate Editor naman ako. Bilang ganti nagtrabaho ako ng mabuti. Taga-absorb ng utos ng mas nakatataas sa akin. Pero ang kapalit, iba ang kumain ng tinapay na minasa ko hanggang madaling araw sa loob ng maraming gabi na nagpepeste ako sa harap ng kompyuter. Ibang kwento na ulit iyon. Ayan nasa venue na kami. LImitado lamang sa tatlong kategorya ang dapat salihan ng isang partisipante.

11/13/2009

Patungo sa Ikatlong Pinto


Patungo sa Ikatlong Pinto

Nagkaroon ako ng isang masinsinang usapan mula sa isang kaibigan. Ipapakilala ko siya bilang ‘Sarah'. Hindi ko siya naging kaklase ni minsan pero masasabi kong magkaibigan kami dahil marami siyang alam sa akin at ako naman din sa kanya. Isang tagpo sa aming pamantasan, hapon bandang ikalawa habang ako’y tahimik at mag-isang nag-aantay ng susunod kong klase. Nakita niya ako at napansin ko siya. Walang imik, di maipinta ang mukha, at ang huli’y tumabi siya sa akin.

“Bakit mo hinahayaang gawin nila sa iyo yan?” panimula ko.
“ Pagkatapos niya ng kolehiyo malaking pagsubok ang haharapin niya.” Matapos ang isang malalim na buntong hininga.
“Kaya hinahayaan mo sila kahit mali?”
“Oo. Dahil doon sila masaya.”
“Masaya na saktan ka!” sagot ko na may halong inis.

Ilang sandali din kaming natahimik mula sa pinag-usapan. Pinilit kong buhayin ang naantala sanang kamustahan. Maliit lang ang College of Engineering para hindi magkita ang mga magkakaibigan pero seryosong matagal ko na rin siyang hindi nakakausap. Kung sabik kang makausap ang taong alam ang saloobin mo, iyon ang naramdaman ko ng mga panahon na iyon. Isang wala pa ring buhay na pag-uusap ang umaandar ng mga oras na iyon. Pareho kaming nakatingin sa mga kapwa mag-aaral sa aming harapan na masaya kasama ang mga kaibigan nila.

“Sa tingin mo masaya talaga sila?” tanong ko sabay tukoy.
“Pilit lang pinangingiti ng isang babae ang sarili niya. At alam ko nasasaktan pa rin siya.”
“Saan siya nasasaktan?”
“Hindi ko alam dahil magulo ang puso niya.”

Sandali nagkaroon ng katahimikan. Natawa ako sa sinabi niya. Nahiwagaan siya dahil wala nga namang nakakatawa sa mga nabanggit niya.

“Eh ako, hulaan mo na ako!”
“Anong huhulaan ko? Magtanong ka ah.”
“Anong magiging ako sa hinaharap?”
“Ang tanong, kaya mo pa ba?”
“Saan? Sa pag-aaral, pag-ibig,o buhay?” tanong ko.
“Yung huli. Nakikita ko ang pagsuko sa iyo.”

Patungo sa Ikatlong Pinto

Patungo sa Ikatlong Pinto

Nagkaroon ako ng isang masinsinang usapan mula sa isang kaibigan. Ipapakilala ko siya bilang ‘Sarah'.  Hindi ko siya naging kaklase ni minsan pero masasabi kong magkaibigan kami dahil marami siyang alam sa akin at ako naman din sa kanya. Isang tagpo sa aming pamantasan, hapon bandang ikalawa habang ako’y tahimik at mag-isang nag-aantay ng susunod kong klase. Nakita niya ako at napansin ko siya. Walang imik, di maipinta ang mukha, at ang huli’y tumabi siya sa akin.

“Bakit mo hinahayaang gawin nila sa iyo yan?” panimula ko.
“ Pagkatapos niya ng kolehiyo malaking pagsubok ang haharapin niya.” Matapos ang isang malalim na buntong hininga.
“Kaya hinahayaan mo sila kahit mali?”
“Oo. Dahil doon sila masaya.”
“Masaya na saktan ka!” sagot ko na may halong inis.

Ilang sandali din kaming natahimik mula sa pinag-usapan. Pinilit kong buhayin ang naantala sanang kamustahan. Maliit lang ang College of Engineering para hindi magkita ang mga magkakaibigan pero seryosong matagal ko na rin siyang hindi nakakausap. Kung sabik kang makausap ang taong alam ang saloobin mo, iyon ang naramdaman ko ng mga panahon na iyon. Isang wala pa ring buhay na pag-uusap ang umaandar ng mga oras na iyon. Pareho kaming nakatingin sa mga kapwa mag-aaral sa aming harapan na masaya kasama ang mga kaibigan nila.

“Sa tingin mo masaya talaga sila?” tanong ko sabay tukoy.
“Pilit lang pinangingiti ng isang babae ang sarili niya. At alam ko nasasaktan pa rin siya.”
“Saan siya nasasaktan?”
“Hindi ko alam dahil magulo ang puso niya.”

Sandali nagkaroon ng katahimikan. Natawa ako sa sinabi niya. Nahiwagaan siya dahil wala nga namang nakakatawa sa mga nabanggit niya.

“Eh ako, hulaan mo na ako!”
“Anong huhulaan ko? Magtanong ka ah.”
“Anong magiging ako sa hinaharap?”
“Ang tanong, kaya mo pa ba?”
“Saan? Sa pag-aaral, pag-ibig,o buhay?” tanong ko.
“Yung huli. Nakikita ko ang pagsuko sa iyo.”

Napatahimik na naman ako sa mga sinabi niya. Nakatingin siya ulit sa akin. At ako nama’y nakatingin sa kawalan. Bigla kong sinariwa ang layunin ko. Naramdaman kong may punto nga naman siya. Hindi pwedeng umayaw. Napagtanto ko na hinihiling niya na ipagtapat ko ang saloobin ko para mapagaan ito. Kaya binuksan ko ang sarili ko sa kanya at nag-kwento.

“Alam mo may third eye yata ako.” Muling pag-uumpisa ko.
“Alam ko. Pero di mo nakikita lahat dahil hindi mo sila hinahanap.”
“Sinong sila?” ang naging tanong ko.
“Ang mga naliligaw. Mga taong pumasok sa ikatlong pinto.” Muling sagot niya.
“Minsan nga sana hindi ko na lang sila nakikita. Nakakatakot ang pakiramdam na laging may nakatingin sa iyo. Tataas ang balahibo mo. Pero mukhang mapagsasanayan ko rin ata. Eh kung lubus-lubusin ko na lang. Ipabukas ko kaya ng tuluyan. Hahaha” Hindi ko pinagtuunan ng pansin ang ikalawang sinabi niya noon.
“Ikaw ang bahala. Ako anino lang ang nakikita ako. Hugis, pigura, at silhouette lamang.”
“Alam mo, bago mamamatay tatay ko, napanagimpan ko ang nangyari dalawang araw bago noon.”
“Oh? Paano nangyari iyon?” sagot niya.
“Ewan. Pero pareho rin ang nangyari ng mawala ang dalawang lola ko at ang tito ko.”
“Nakakatakot ang kakayahan mo. Dapat kapag ganyan sinasabi mo mismo sa tao ang mangyayari sa kanya at nang malihis.” Sagot niya na may tonong nag-aalala.
“Ganun ba yun? Parang kasalanan ko pa tuloy.”
“At nakakatakot ang ganyang pakiramdam.” singit ko.
“Parang sa iyo din. Nakakatakot. Nalalaman mo ang kapalaran ng iba pero ang sarili mo wala kang ideya. Hindi ba hindi patas iyon?”
“Pareho lang tayo sa mga doktor at barbero. Hindi natin kayang gamutin o gupitan ang mga sarili natin. Kailangan natin ang isa’t-isa.” Pangangatwiran niya.
“Naniniwala ka ba sa Diyos? Personally?” Pag-iiba ko.
“Tumingin na lang tayo sa paligid at hayaan natin na ang mundo ang mangumbinsi sa atin.”
“Eh para saan ang kamatayan?”
“Kapanganakan para sa tunay na buhay.” Sagot niya muli.

“Alam mo sa oras na humiwalay ang tao sa katawan niya, mapupunta siya sa isang lugar na may tatlong pintuan. Ang unang pinto ay daan patungo sa mainit na lugar. Magpakailanman kang masusunog at makararamdam ng hapdi na dulot ng paso sa katawan na pumupunit sa kaluluwa mo sa bawat liyab ng apoy ngunit hindi magmamaliw ang sakit. Gapatak na tubig ay ipagpapasalamat mo na.

Ikalawang pinto naman ay patungo sa langit. Isang lugar na kung saan ang lahat ay masaya at nagmamahalan sa piling ng may-ari ng kalawakan.”

Sandaling naudlot ang kwento niya. Napansin niyang napatahimik ako at pinilit na inobserbahan at inintindi ang iniisip ko.

“Eh yung ikatlo at huli? Purgatoryo?”
“Hindi. Iyon naman ay patungo sa daigdig. Magiging isang nilalang tayo na hindi na nakikita ng mga ordinaryong tao. Magpakailanman kang lagalag. Isa-isa mong makikita ang pagkawala ng mahal mo sa buhay. Makikita mo ang dalamhati ng mga tao, hinagpis, kalungkutan, kasiyahan, at kasamaan. Isipin mo, para kang nakakulong sa isang kwarto na maraming telebisyon na ipinakikita ang mga nangyayari sa tao ngunit ang magagawa mo lamang ay pagmasdan at panoorin ang mga ito. Masakit hindi ba? Parte ka ng pagkasira dahil hindi mo napigilan ang mga ito.”

“Oo nga. Napakasakit. Iyan pala ang ikatlong pinto. Nakakatakot.” Sagot ko. Kasunod ang mahabang katahimikan sa gitna ng magulong eskwelahan. Alam niyang nabigla ako sa mga sinabi niya. Halos tumulo ang aking mga luha dahil sa sobrang kalungkutan ngunit pinilit ko pa ring balewalain ang naghuhumiyaw kong damdamin. Muli kong sinimulan…

“Kaya pala may mga ligaw na kaluluwa. Malalaman mo ba kung saan mapupunta ang mga tao?”
“Sarili niya lang ang may alam.”
“Paano mo nalalaman ang mga tungkol dito?”
“Hindi ko din alam. Basta napupunta na  lang sa isip ko. Kahit na yung mga bagay na sinasabi ko sa iyo ay bigla ko na lang naiisip.”

“Ano ang gagawin ko? Hanggang saan ang mararating ko?”
“Kung hanggang saan ang gusto mo. Tao lang ang nagtatakda ng kanyang patutunguhan. Kung magiging iba ba siya o tutulad na lang sa iba.”
“Eh paano ang magiging buhay ko sa hinaharap? Matagal pa ba ako?”

Ngiti ang naisukli niya. Hindi niya masagot ang tanong ko. Bakas ko sa mata niya ang kasagutan ngunit pilit na itinatago ito. Siguro nga maigsi lamang. Madali lang naman kasi magsabi ng 'oo' kapag totoo eh. Ngunit para sa akin hindi na importante iyon. Ang mahalaga'y ang aking patutunguhan. Mahirap maglakbay sa dagat at magpaanod sa alon kung ikaw mismo hindi alam kung saang direksyon ka papanig. Natapos ang usapan namin ng biglaan dahil sa oras na noon ng aking klase. Iniwan ko siya sa lugar na kung saan nabalot ng pangamba ang magulo kong puso. Matapos ang pangyayaring iyon, paulit-ulit umikot sa aking isip ang mga napag-usapan namin. Ganun ba talaga ang mundo? Ang hirap palang intindihin at akapin ang katotohanang nakahain kasama nito. Ngunit tulad ng laging kong sinasabi sa isip ko tuwing ako’y nasasawi, kailangan kong tanggapin ang nakatakda sa akin. Kailangang tanggapin na ang isang paru-paro sa gubat na pagkatapos niyang kumawala sa supot niya ay pitong araw lamang ang ilalagi niya. Maigsi kumpara sa kagandahang taglay niya. Maigsi para paghandaan ang buhay na maaring sumalubong sa kanya pagdaan niya sa ikatlong pinto.

Carlo Hernandez Andrion
11.13.2009
http://caloycoy.blogspot.com

11/08/2009

Ang Duyan at ang Lalaking Madalas Natutulog Roon

Ang Duyan at ang Lalaking Madalas Natutulog Roon

Matagal na rin akong hindi sa nagawi sa parteng likod-bahay namin. Inabot na rin marahil ng taon. Tila isang matamis na panaginip na nagbabalik nang masilayan ko ang duyan. Ngunit tulad ng ibang ala-ala na marahas na bumabalik sa balintataw, mapait na muling isipin ang mga masasayang kahapon. Dumako ako sa isang kubo. Kubo na tayo ng isang lalake matagal na panahon ang nakalilipas. Natunghayan ko pa rin ang duyan na naroon. Ginawa niya upang pahingahan para sa nakakapagod na gawain sa kabukiran tuwing tirik ang araw sa hapon. Tama. Magsasaka siya. Matagal niya na ring ginugol ang buhay niya upang sakahin ang minanang lupain sa kayang ama. Dahil sa wala nang iba pang makakapagbigay ng atensiyon upang sakahin iyon, napunta sa kanya ang responsibilidad. Marami silang magkakapatid, nakararami ang babae, at ang mga kapatid naman na lalake’y nasa ibang lugar, may sariling pamilya, at may kanya-kanyang trabaho na wala nang kaugnayan sa pagsasaka.

Naaalala ko sa pagsapit ko sa kolehiyo, madalas ko siyang maabutan na natutulog roon. Sa duyan na gawa sa hinabing matitibay na lubid na tahimik at mahimbing na nagpapahinga. Madalas kasi na maaga ako nakakauwi noon sa hapon. Pagbaba ko ng bus, didiretso ako sa tarangkahan ng aming bahay. Sarado ang pinto sa harapan. Walang tao. Kaya sa likod naman ako dadaan. Naroon ulit ang lalakeng nakahiga sa duyan. Tulad ng parati kong ginagawa, tutuloy ako sa kanya. Dahil madaling magising agad niyang iaabot ang kanang kamay niya sa akin. Aabutin ko at magmamano. Ngingiti siya at kakamustahin ang isang araw na nagdaan malayo sa kanya. Sasagot ako. Tahimik at piling salita ang lumalabas. Pero kahit anong tipid ko sa sagot , tila nabubuhay ang loob niya sa bawat kwento ko.

“Kamusta ang eskwela?” Mainit niyang pagbati. “Ayos naman po.” Kasunod ang aking pagbuntong-hininga. Mataman niya akong tinignan na tila ba sinusuri. Sandaling panahon din akong hindi nakaimik dahil sa pag-antay ko ng sagot niya. “Kung hindi ka masaya sa ginagawa mo, iwan mo. Sundan mo kung saang daan ka masaya. At susundan ka ng tagumpay.” Namangha ako sa sinabi niya. Nalaman niya ang saloobin ng isang kabaatang malayo sa edad niya. Kung paano niya nawari, di ko na nalaman pa. Araw-araw na ganoon ang nadaratnan ko. Paulit-ulit. Umiikot-ikot lamang ang pangyayari. Hindi ko maipaliwanag kung gaanong tiyaga ang naibubuhos niya para sa sakahan. Bakit niya pa rin ipinagpapapatuloy ito? Nagtapos naman siya ng Agham Pampulitika ngunit lubos niya pa ring mahal ang pagsasaka. Nabalitaan ko rin na may nag-aalok na bilhin ang lupa mula sa kanya, ngunit tinanggihan niya ito. Hindi ko alam ang dahilan. Siguro hindi ko pa siya talaga ganun kakilala ng lubusan.

Lumipas ang dalawang taon. Sariwa pa rin ang mga pangyayari. Pareho pa ring naroon ang duyan, nag-iba na nga lang ang panahon. Iba na ang oras ng pag-uwi ko. Madalas na akong gabihin at tanghali na kung pumasok. Lumipas na talaga ang maraming oras at nasayang ang pagkakataon. Karamihan ng mga ito ay ang mga bagay na hindi ko na maibabalik pa. Di ko na ulit mararanasan. Nangungulila ako sa panahon na naroon pa ang lalaking nakahiga sa duyan. Mabigat ang pasanin ko at wala na rin ang maalam na lalaking laging nagpapayo sa akin bago pa man ako magbuhos ng saloobin. Wala na talaga siya sa paborito niyang duyan. Hinanap ko siya. Hinanap ko ng buong puso ang lalaking nasa duyan sa kawalang naiwan niya.

Tumungo ako sa bagong lugar kung saan siya nanatili. Masukal ang daan patungo roon. Tahimik at malayo sa tirahan ng iba pang kakilala niya. Puno ng mga natuyong dahon ang paligid na sa bawat pagyapak ko ay naglilikha ng ingay na gumigising sa katahimikang nakahimlay sa lugar na yaon. Magulo ang bagong lugar niya. Makipot at pasikot-sikot ang daan. Hinanap ko siya. Ang pangalan niya, ang lugar niya, at ang pagkatao niya. Ilang minuto rin ang naitagal ng aking paghahanap sa kanya. Natagpuan ko na rin siya. Nginitian ko siya. Di na siya umimik pa. “Maraming salamat po sa lahat.” Sumunod na ang aking pagluha. Gusto ko siyang yakapin ng mahigpit. Kahit na minsan lang sana. Masakit dahil hindi na namin maaaring gawin pa iyon. Tahimik ang paligid. Napakatahimik. Matagal rin ako naglagi sa piling niya at ang katahimikang kasama niya sa nakalipas na dalawang taon. Naupo ako sa damuhan habang nakaharap sa kanya. Dala ng puno ng narra ang malamig na amihan. Masarap sa pakiramdam na tila ba’y niyakap niya ako mula sa kawalan. Hindi tulad ng mga nagdaang panahon, iba na ang sigla ko sa pagku-kuwento sa kanya sa nakalipas na dalawang taon, marami akong naibahagi sa kanya ng mga oras na iyon, ngunit mas marami ang di ko naibahagi sa kanya. Dala na rin siguro na mahabang paghihiwalay namin at iksi ng panahon upang magkasama ulit. Patapos na ang araw. Magdidilim na. Sasapit na ang pag-aagawan ng liwanag at dilim. Pinakamasakit dahil kailangan ko nang magpa-alam sa kanya.

“Oo nga po. Sinunod ko ang payo niyo sa akin nung madalas pa kayo sa duyan noon.” Unti-unting tumutulo ang luha ko kasabay ang unti-unting pagbagsak ng mga tuyong dahon ng narra sa aking harapan na sumusuray sa malamig na ihip ng hanging amihan. Sa puntong iyon, noon ko naintindihan ang ibig sabihin ng salitang pangarap. Ang pagpapahalaga sa iyong malinis na kagustuhan at ang pag-aalay ng pag-ibig at dedikasyon sa bawat hakbangin mo. Hindi ko pa pala siya ganoon kakilala. Hindi dahil ayaw niyang ipakilala ang sarili niya kundi dahil hindi ko lang siya hinayaan na magpakilala. Pero sa nakalipas na dalawang taon, meron akong natutunan sa kanyang kawalan. Ang paghihintay. Matagal, ngunit puno ng pag-asa na kami’y magkausap pa muli. Ngunit meron ding mga bagay na hindi na nalulunasan pa ng paghihintay. Hindi na siya ang dating lalaking nakikita ko madalas sa duyan noon.

Tinapos ko ang ulilang naramdaman ko sa nakalipas na dalawang taon sa mga salitang sinabi ko. “Maraming salamat at huling paalam sa iyo…” Hindi ko na naituloy pa. Tumalikod na ako sa kanya at patuloy na umalis. Dumaan muli sa masukal na lupa na puno ng tuyong dahon ng narra. Gusto ko siyang kausapin ulit. Ngunit ayaw ko ng bumalik pa. Lumingon ako at humarap ako sa lugar na aking pinanggalingan ng araw na iyon. Humarap ako sa puntod niya at nagpaalam ng “Hanggang sa muli, Tatay!”



Carlo Hernandez Andrion
11. 10. 2009
http://caloycoy.blogspot.com

Ang Duyan at ang Lalaking Madalas Natutulog Roon

Ang Duyan at ang Lalaking Madalas Natutulog Roon

Matagal na rin akong hindi sa nagawi sa parteng likod-bahay namin. Inabot na rin marahil ng taon. Tila isang matamis na panaginip na nagbabalik nang masilayan ko ang duyan. Ngunit tulad ng ibang ala-ala na marahas na bumabalik sa balintataw, mapait na muling isipin ang mga masasayang kahapon. Dumako ako sa isang kubo. Kubo na tayo ng isang lalake matagal na panahon ang nakalilipas. Natunghayan ko pa rin ang duyan na naroon. Ginawa niya upang pahingahan para sa nakakapagod na gawain sa kabukiran tuwing tirik ang araw sa hapon. Tama. Magsasaka siya. Matagal niya na ring ginugol ang buhay niya upang sakahin ang minanang lupain sa kayang ama. Dahil sa wala nang iba pang makakapagbigay ng atensiyon upang sakahin iyon, napunta sa kanya ang responsibilidad. Marami silang magkakapatid, nakararami ang babae, at ang mga kapatid naman na lalake’y nasa ibang lugar, may sariling pamilya, at may kanya-kanyang trabaho na wala nang kaugnayan sa pagsasaka.