LABING-ISANG UTOS NG MGA AGNOSTIKO
Sa wakas, matapos ang tatlong linggo, may maita-type na ako. Akala ko eh patuloy nang magtatae ang aking panulat. Sa pambihirang pagkakataon, nagkaroon ako ng tinta sa di sinasadyang pangyayari. Bihira kumbaga dahil di ko naman ito gawain. Natuto lamang ako sumagot.
Galing ako sa eskwelahan matapos kong maipag-maneho ang Nanay ko papunta sa eskwelahan. Krismas parti kasi ng klase niya. Grade Six yata at si Nanay ang nagluto ng pagkain ng mga bata sa bahay bago pumasok. Dahil public iyon, iilan lamang sa mga batang iyon ang nakakaranas ng sarili nilang selebrasyon ng masaganang hapag tuwing pasko. Ang marami sa kanila’y hirap pa din sa araw-araw na pantustos ng kanilang pag-aaral. Siyempre, umalis ako roon baon ang mga ngiti ng bata. Yung tipong ikaw na rin ang nag-abot ng masarap nilang pagkain ng araw na yaon. Umuwi ako para makapasok na rin. Masaya ang araw na ito. Akala ko…