“Minsan lang darating ang tunay na kaibigan.
Mapalad ka kung makatatlo ka sa haba ng buhay mo.
Ngunit hindi sila darating ng sabay sabay.
Paisa-isa, at paisa-isa ka rin nila babaguhin”
Sabado ng hapon, sa katagalang nakaupo sa isang parte ng halamanan ng eskwelahan, maraming pumasok sa aking isip. Mahangin, kaya nakakatamad ang panahon. Balot ako ng lungkot. Bagsak ang katawan, pagod ang isipan at namimighati sa lungkot ang puso.
Doon ako unang nanghingi ng tulong sa aking mga “kaibigan”. Hindi ko pa kasi nasusubukang humingi ng tulong lalo na sa aking emosyon.