4/16/2009

Walang Titulo

Apat na araw na ang lumipas, parang wala akong matinong pabor na nagagawa sa sarili ko. Nagpapasalamat na lang ako dahil sa kahit na nakakapagod na paraan ay naiwawaglit ko sa aking isipan ang isang pangyayaring tumunaw sa wagas kong pagmamahal. Isinulat ko ito hindi para humingi ng awa ninuman dahil alam kong walang makakatulong sa aking sarili kung hindi ako lamang. Pero sa panahong ito na kahit ang sarili ko ay di ako magawang tulungan, daramdamin ko muna ang lungkot na lubos na sumisira sa buo kong pagkatao. Daramdamin ko muna hanggang narito pa at nang maubos na.

 Alam kong wala ako sa sarili ngayon. Wala na ako sa aking kababawan na kung saan na kahit ang ordinaryong sikat ng araw ay napapangiti ako, sa simpleng ihip ng hangin ay nakukuha ko pang nagpapasalamat sa Kanya. Tama. Nasa State of Extreme  Confusion  ako. Sa lahat ng aspeto ng buhay. Siguro nga. Ngayon ko napatunayan na di pala ako simpleng tao base sa aking pagkakakilala. May malalalim din pala akong emosyon at matatayog na makasariling pangarap. Sabi sa akin ng isang matandang lalake na
nakasalubong ko, “Mas malungkot ka pa sa kulay na taglay ng Guernica ni Picasso.” Napangiti ako, alam ko dahil iyon ang huling ngiti ko bago ko isulat ito.  Alam ko nahihiwagahan ka sa dinasabi pero hindi ito “Suicide Note” kaya magtigil ka. Ayaw kong magkasala pa baka hindi na ako patawarin.

Umuwi ng bahay, pero wala pa rin ako sa dating ako. Nasasabik na nga ako sa dati kong sarili. Lumayas siya noong Linggo ng hatinggabi at di ko alam kong babalik pa. Pero ayos na rin siguro na umalis siya, mas nakikita ko ang mundo ngayon bilang gubat kesa noon na ang aking mundo ay tila mundo ng isang kindergarten pupil. Merong guro, kaklase, may nanonood sayo habang natututo ka, kumakanta, sumasayaw, naghahabulan, kumakain, makulay ang silid-aralan, makukulay ang mga tisa [chalk], nariyan ang magulang, magalang, masaya, walang kapaguran, at ang pinakasasabikan ko sa lahat sa dati kong buhay eh na bago pumasok at tuwing uuwi galing paaralan ay may nakahawak ng mahigpit sa munti kong kamay at hindi binibitawan hanggang wala pa ako sa aking bahay. Nakaka-miss, pero ito lamang ang magagawa ko.Alalahanin ang matamis na kahapon.Isang hiwaga pa rin para sa akin ang salitang pag-ibig simula ng ipinanganak ako hanggang sa tuluyang naglayas ang dating ako. Mas lumalim pa ang pagkakakilanlan ko rito ng marating ko ang State of Extreme Confusion.

Lagi kong tinatanong kung ano ang pag-ibig. Pero kahit si Webster ay tipid sa pagtukoy sa maikling salitang ito. Pag-ibig ang bumubuhay sa mundo pero pag-ibig din ang sumisira rito. Pag-ibig ang nagpapasaya sa tao pero marami ang nagpapakamatay dahil dito. Pag-ibig ang
dahilan kung bakit dumarami ang tao pero pag-ibig rin ang nagiging dahilan para mabawasan ito. Pag-ibig marahil ang nagpapagaling sa may-sakit pero ito rin ang nagpapalala rito.

Sa mga kahulugang ito maari kong maiuri ang pag-ibig sa maraming pagkakataon at salita. Ang pag-ibig ay: Masaya ngunit masakit, masarap ngunit mapait, wagas ngunit maari ring mapag-kunwari, nakakatawa ngunit madalas ay nakakapagpa-iyak. Pag-ibig ang dahilan kung bakit may: reunion, Independence Day, Valentine’s Day, Birthday, Golden Anniversary,  bayani, nagsasakripisyo, naaagrabyado, at nagiging TAKEN…for granted. Ganyan kalawak ang “pag-ibig” na kung ikukumpara sa salitang “set” na may pinakamaraming gamit eh “pag-ibig” naman ang may pinakamaraming kahulugan, synonyms, at antonyms.

Akala ko noon ay tulad kong lalaki ang makakapatay sa akin, mali pala ako. Kung kaya ko lang hulaan ang patutunguhan ko eh matagal ko na sanang iniwasan ang taong pinalambot ang puso ko pero unti-unti naming pinunit ito. Marahil nanakaw niya ang puso ko ngunit hinding-hindi ko isusuko ang isip ko. Nag-iisa lang ako sa mundo. Mag-isa ko itong lalakbayin dahil kahit na ang pamilya o kaibigan ko mismo ay hindi  ako palaging matutulungan. Obligasyon ko na ang buhay ko. Narating ko ang edad na kung saan maaari na akong makulong, mabitay, at maparusahan. Malayo na ang naging paglalakbay ko at hindi ko alam kong hanggang saan o saan ang aking patutunguhan. Kinakailangan ng tao ang pag-ibig kaya lubos ko itong ibinibigay kahit kanino, personal ko mang kilala o hindi, pamilya man o kaibigan, kilala o nag-papakilala pa lamang. Pero sabi nga ng pumanaw kong katauhan, “Ang buhay ay parang siso. Para maiangat mo ang iba, ibaba mo dapat ang sarili mo, at kung gusto mo namang umangat, humanap ka ng taong uupo sa kabilang dulo na handang ibaba ang sarili para maiangat ka naman.”

 Sa aking sitwasyon ngayon, sawa na ako na palaging nagbibigay, nagpapasensya, nagpaparaya, naisasantabi, at nakakaligtaan. Lubos kong hinahangad ang kabaligtaran para sa aking sarili. Tanging lubos lamang. Pero hangga’t hindi ko pa nakukuha ang dapat na may sa aki’y, lalakbayin ko muna ang masukal na daan ng gubat ng aking buhay. Hindi ko alam kung saan ako pupunta kaya walang nararapat na titulo ang angkop para sa sulating ito. Hindi ko alam. Walang ideya kung ano, alin, at papaano.

Sa ngayon ang buhay ko ay walang titulo.

Copyright: Carlo Hernandez Andrion
http://carloandrion.multiply.com

4/01/2009

Ang Aking Bayani...

Ang aking bayani...










Ay wala. Hindi na nabubuhay ang mga bayani ngayon. Kung nabubuhay man, hindi na sa aking mundo. Ang mga bayani noon ay madalas dumarating, malit man o malaki o kahit ano pa siya. Nakakalungkot isipin na hindi na natin sila nakikita ngayon.



Ang mundo natin ay tinangkilik na ang lumang pilosopiya na "Mata para sa mata.". Ang mga tao ngayon ay nakatutok na sa hangaring makakuha ng makakuha at makuha ang pinaka na hindi na nila nawawari kung may mga paa na silang naapakan o kung ilan balikat o ulo na ang nasagi at nasaktan para makuha lang ang mga bagay na gusto nila.



Ang aking bayani ay WALA.



Ang mga bayani ay wala na sa Pilipinas. Kailan lamang sila ng mawala. Sa totoo lang, maraming tao pa rin ang sumubok para maging bayani. Sila iyong mga taong matapang, tapat, may moral, at handang isantabi ang sariling kapakanan para sa ikakaunlad ng iba. Malamang nakilala mo na ang ganoong klase ng "Bayani". Malaki ang tsansa na makilala mo ang ganitong klase ng bayani na kung saan makikita mo ang mga nasabi kong kalidad, pero binibigyan sila ng ibang pangalan o inihahalintulad sa ibang salitang sa tingin nating walang kwenta, tulag ng tanga, di praktikal, manhid, o kaawa-awa. Di mo naman masisisi ang iba kung bakit nila iisiping tumulong kung gayon na lamang din na kailangan din nila ng tulong. Pero sa tingin ko iyong mga bagay na iyun ang nakakapaghiwalay sa kanilang mga katangian bilang mga ordinaryong tao para tawaging "Bayani".



Makikita mo sa mga sitwasyong ito na ang mga tao ay di na inirerespeto ang mga "Bayani". Hindi na sila tinitingala o ginagawang inspirasyon o kahit na suportahan man lamang. Tingnan na lang natin sina Rizal at Bonifacio. Kapwa Pilipino rin natin ang nagpahamak at pumatay sa sa kanila. Ang mga katulad nila ay mahirap nang hagilapin. Masakit isipin na ang mga taong hangad ay kasarinlan ng ating bayan ay sila ang nagiging biktima ng paghahangad ng iba para sa kapangyarihan. Tao ang pumapatay sa Bayani. Walang kinalaman ang krypton, tubig,  kuryente, o apoy sa kanilang pagkawala. Ito ang nagiging kondisyon na sumasalamin sa walang malay na pambansang kalakaran.



Ang mga Bayani ay madalas tumitigil sa gilid ng kalsada, upang tulungan ang isang kaluluwang na-istranded dahil sa nabutas na gulong. Ngayon,  ang buhay ng mga Bayani ay nasa kapahamakan. Hindi mo kasi malalaman kung sino ang may pistol na nakatago sa at nakaipit sa loob ng sinturon.



Ang aking Bayani... ay wala.



Maraming digmaan na ang napagdaanan ng ating bansa. At marami tayong bayani na nakikipagdigma. Sila iyong mga taong nagpupumilit bumalik sa bakbakan kahit na kulay halaya na ang dugo. Mga taong walang habas na sinuway ang utos ng nakatataas upang iligtas ang kasamahang naiwan na  wala ng pag-asang makita para makabalik pang buhay sa pamilya. Sila iyong mga taong pilit pumasok sa isang giyera, na di lingid sa kaalaman na maaring  hindi na sila makakabalik para lamang sa hangaring magkaroon ng mas mapayapang buhay ang iba.



Ang aking Bayani...ay wala.



Kapag itinuring mong Bayani ang isa, magbibigay pressure lamang ito sa kanya. At ayaw ng ninuman na sila ay nape-pressure. Ayaw nilang maging mabuti o tingalain dahil sa pagiging bayani dahil mas napapalapit lamang sila sa kasawian. Mas madali sa buhay na ito na paminsan-minsan sumama ka sa agos. Mas madali na huwag mong ituring ang sarili mo bilang bayani at gawing trabaho ang pagtulong sa iba at isakatuparan na lamang ang makasariling pangarap.



Ang aking Bayani...ay wala.



Para sabihin na siya ang Bayani mo ay nangangahulugang mahina ka.



Paano kung nabigo ang Bayani mo at ipakita sa iyo na tao din siya na tulad mo? Nakakasakit ng damdamin hindi ba?. Upang maituring mo kung sino ang iyong bayani ay ang pagbibigay ng tiwala sa kanila. Alam nating lahat na ang pagtitiwala sa isang tao higit sa iyong sarili ay pagpapalapit sa katotohanang ikaw ang maaaring maisakripisyo.



Ang nga Bayani ay nabubuhay pa rin. Pero hindi na sila napapangalanan, hindi na nabibigyang pugay, at hindi pinagkakatiwalaan. Papaubos na ang lahi ng mga Bayani taun-taon. Nakakagulat nga lang at hindi sila isinasali sa mga listahan ng "Endangered Species".



Kung nakasaksi ka na ng taong matapang, tapat, at handang gumawa ng malaking bagay sa maliliit na paraan, para sa iyo,  huwag na huwag kang magsasabi ng kung anuman sa kanya. Maging malapit ka, makinig ng mabuti, at magtiwala. Matututo ka ng marami.



Ang Aking Bayani...ay nasa tabi-tabi lang. Sana nga.


Copyright: Carlo Hernandez Andrion

http://carloandrion.multiply.com